Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Tungkol sa Gabay

Pakikipag-date sa Makabagong PanahonHalimbawa

Dating In The Modern Age

ARAW 5 NG 7

 


Paano Makipag-date


Maraming taon na ang nakakalipas, habang bumibisita sa Grand Canyon ay naglakad ako nang malayo papasok sa bangin na iyon upang makita ang talon. Habang naglalakad sa baybay ng Ilog Colorado, may nakilala akong mag-asawang bata-bata pa na papunta sa kaparehong talon. Inimbitahan nila akong sumabay sa kanila, pero pakiramdam ko pababagalin nila ang paglalakad ko. Habang matulin akong umaabante, nagsimula akong mangamba na nalihis ako sa tamang daan papunta sa talon. Sa takot ko, pilit akong umakyat sa matarik na talampas at nagulat ko ang isang usa, dahilan naman upamg mahulog akong patalikod pababa sa mabatong bangin na iyon. Habang nakahiga sa lupa, narinig ko ang tunog ng tubig na umaagos. Sa pagsunod ko rito, nakita ko ang masintahing mag-asawang nadaanan ko kani-kanina, na masayang kumakain ng kanilang pananghalian sa bandang ilalim ng talon.


Ikinukuwento ko ito upang maisalarawan ang isang katotohanan: ang mag-asawa at ako ay parehong nakarating sa aming nais na destinasyon, ngunit mas matrabaho at hindi-gaanong-masaya ang dinaanan ko papunta roon. Isinasalarawan nito ang modernong pakikipag-date. Araw-araw ay may nakakasumpong ng pag-ibig. Ngunit ang paglalakbay ay lubhang mas matagal—maraming tao ang hindi nag-aasawa hangga't wala pang tatlumpung-taong-gulang. Mas malinaw ang daraanan noong mga naunang henerasyon, ngunit ngayon ay umaabante tayo sa ilang nang walang mga kagamitan, walang gabay, at kakapirasong pagkain lang ang baon. Dumarating tayo sa pupuntahan, ngunit ang daming hirap na pinagdadaanan.


Ang mga panuntunan sa pakikipag-date ngayon ay naging malabo at walang-katiyakan. Ang pakikipag-date ay dapat naiuugnay sa mga salitang masaya, nakakatuwa, at nakakapagpasigla. Ngunit kadalasan, ang naririnig kong mga salitang naiuugnay sa pakikipag-date ay malungkot, nakakapagod, at nakaka-istress. Bilang isang nagmamahal sa aking mga nakakabatang mga kaibigang wala pang asawa, nais ko ng mas mabuting paglalakbay para sa kanila. At ang mas mabuting paglalakbay ay posible! Ang daan papunta sa pag-ibig ay maaaring maging masakit, ngunit may paraan ng paglalakbay na kakayaning umiwas sa hindi-kinakailangang sakit.


Ang malimit na sanhi ng pagkabalisa ngayon ay ang kakulangan ng intensyonal na proseso sa pakikipag-date. Punahin na ang gamit kong salita ayproseso—nagpapahiwatig ang salitang ito ng pagkilos. Ang pakikipag-date ay isang serye ng mga kilos papunta sa isang nauna-nang-natukoy na wakas. Hindi ito isang kalagayan na wala ka nang gagawin at hindi man lang bumubuwelo. Ito ay marapat na maging isang proseso ng pagsisiyasat na may puntong pangwakas—isang destinasyon na tinatawag na kasalan.


Ang prosesong ito ay nababatay sa mga walang-kupas na prinsipyong nakaugat sa pagkatao at pag-ibig ng Diyos. Punahin na ang tawag ko sa mga ito ay mga prinsipyo, hindi mga hakbang. Mas madali sana kung mga hakbang—sundin lang ang mga hakbang at magiging masaya na ang buhay may-asawa mo! Hindi ganyan ang pakikipag-date, dahil ang mga relasyon ay lubos na mas aktibo. Ang pakikipag-date ay mas tulad ng paglalayag patawid ng mga karagatan kaysa pagkukumpuni ng isang produkto. Hindi uubra ang mga hakbang kung tatawid ka ng karagatan sa barko. Wala kang makukuhang mga hakbanging liko rito, liko roon, dahil ang kapaligiran ay aktibo. Sino ang nakakaalam ng mga bagyong makakasalubong mo sa paglalakbay?


Ang mga prinsipyo naman, sa kabilang banda, ay makakapagligtas ng buhay mo sa dagat. Ang karunungang maglayag gamit ang mga posisyon ng mga tala, o tamang paggamit ng compass, o paano planuhin ang daan sa paglalayag gamit ang mapa at sekstant, ay labis na makakatulong sa iyo. Sa parehong paraan, ang mga prinsipyo sa pakikipag-date ay makakatulong sa iyong harapin ang anumang hamon na darating. Ang impormasyong iyon ang maghahatid sa iyo mula sa baybay ng pagiging binata o dalaga hanggang sa baybay ng pag-aasawa.


Ang pagsunod sa mga prinsipyong tatalakayin ko sa sunod na dalawang pagbasa ay mangangailangan ng iyong buong puso at isip. Kailangang pagtrabahuan. Ngunit ang trabahong ito ay magiging isang pambihirang karanasan (kahit na may kailangang ipagsapalaran) na masusulit ang pagsisikap mo. Ang mga gabay na prinsipyong ito—kung ilalapat mo sa iyong aktibong kapaligiran sa pakikipag-date—ay aakay sa iyo nang ligtas sa mababagyong mga karagatan ng pakikipag-date.


Tumugon


Anong mga salita ang iniuugnay mo sa pakikipag-date? Ano ang inaasahan mo patungkol sa kung paano makipag-date? Ano ang iyong mga saloobin patungkol dito?


Ano ang ibig sabihin kapag sinabing ang pakikipag-date ay isang proseso? Anong mga kilos ang kalakip sa proseso ng pakikipag-date? Ano ang destinasyon mo sa paglalakbay na ito? Kung hindi ka interesadong mag-asawa, ano ang mga pagpipilian mo para magkaroon ng mabubuting mga relasyon?


Anong mga kahusayan sa pakikipagrelasyon ang kailangan mong matutunan upang matagumpay kang makapag-date? Paano mo pinapakinggan, pinapanood at sinisiyasat ang mga taong nakikilala mo? Paano maaaring maging isang pambihirang karanasan ang prosesong ito?


Banal na Kasulatan

Araw 4Araw 6

Tungkol sa Gabay na ito

Dating In The Modern Age

Pakikipag-date... kabalisahan o katuwaan ba ang hatid nito sa puso mo? Sa lahat ng koneksiyong teknolohiya, parang naging mas komplikado, mas nakakalito at mas nakakasira ng loob ang pakikipag-date kaysa kailanman noon. ...

More

Nais naming pasalamatan si Ben Stuart sa pagbibigay ng gabay na ito. Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bumisita sa: https://www.thatrelationshipbook.com

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya