Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Tungkol sa Gabay

Pakikipag-date sa Makabagong PanahonHalimbawa

Dating In The Modern Age

ARAW 2 NG 7

 


Isang Piloto para sa Paglalakbay


Kapag minamasdan ko ang tanawin ng buhay at pag-ibig sa maraming tao ngayon, ang nakikita ko ay takot. Takot na magkamali. Takot na mawalan. Takot na malampasan ng oportunidad. Sa iba, naririnig ko ang pagmamataas—ang pamimilit na mamuhay ayon sa sarili nilang kagustuhan na walang makakahadlang sa kalayaan nilang makapaghayag ng gusto nilang sabihin. Sa marami, nakikita ko rin ang pagnanasa. Bakit mangangakong magmahal sa emosyon kung maaari mo naman silang gamitin lang sa pisikal? Takot, pagmamataas, at pagnanasa ang ugat ng maraming problemang nangyayari sa mga relasyon.


Wala sa mga bagay na ito ang naglalayon ng pag-ibig. Ang takot ay nagsasara at umaatras, ngunit ang pag-ibig ay nagbubukas at nagbibigay nang malaya. Hindi papayag ang pagmamataas na isiwalat ang totoong sarili sa kabilang partido, ngunit ang pag-ibig ay magsasapanganib ng sarili para sa ikakabuti ng kabilang partido. Sinasabi ng pagnanasa sa iba na ang gusto mo lang ay ang mga bahagi na magagamit mo, ngunit niyayakap ng pag-ibig ang buong tao—kung kailan siya pinakamaganda o pinakapangit.


Hangga't ang takot, pagnanasa at pagmamataas ang nagpapaandar ng mga relasyon mo, matulin kang lalayo sa mabuting pag-ibig. Ang mga bagay na ito ang maghahatid sa iyo sa pag-iisa o lilikha ng mabababaw na relasyon na hindi nagpaparangal sa Diyos. Ito ang sitwasyon na nakikita ko sa ating kultura ngayon. Nakikita ko ang isang henerasyong naliligaw sa dagat, walang kasiguruhan sa kung paano mag-piloto sa mabagyong dagat ng pag-ibig at umiwas sa mga patibong ng takot, pagnanasa at pagmamataas. Sila ay natatangay, hinahampas ng hangin at mga alon.


Dati-rati, kapag naglayag ang isang barko sa mga dakong mapanganib, kailangan aminin ng kapitan na kulang siya ng sapat na karunungan patungkol sa lugar na iyon upang magabayan ang kanyang barko papunta sa daungan. Kapag napagtanto niya iyon (wala pang modernong komunikasyon noon), magtataas siya ng banderang magsesenyas ng, “Kailangan ko ng piloto.” Kapag nakita ng isang pilotong pamilyar sa lugar na iyon ang itinaas na bandera sa barko, sasakay siya sa kanyang maliit na bangka, sasagwan patungo sa barko at sasakay rito.


Ang pilotong tagaroon ang siya nang magpipiloto ng barko at ligtas na gagabay rito upang umiwas sa mga batuhan at mga dakong mababaw ang tubig papunta sa daungan. Upang maisenyas sa iba pang mga piloto na maaaring nais na pumunta pa na hindi na sila kinakailangan, magtataas ng isa pang bandera ang barko—isang kalahating pula at kalahating puti. Idinideklara ng banderang ito na, “May piloto na ako.” Hindi na kailangan ng iba pang piloto, at mapapanatag ang mga tagaroon na nasa mabubuting kamay na ang barko.


Sa kalagitnaan ng walang-kasiguruhang mga dagat sa iyong relasyong pakikipag-date, may paraan ka ring planuhin kung paano ka aabante. Maaari kang magtaas ng bandera ng pagsuko at sabihing ikaw ay “nangangailangan ng piloto” na maglalayag para sa iyo palayo sa mga panganib na nakakubli sa ilalim. At maaari kang magtaas ng bandera ng pangakong magpapahayag sa mundo na, “May piloto ako,” at piliing Siya lang ang sundin.


Ang Diyos ang may likha sa iyo at ang tanging makakagabay sa iyo pauwi nang ligtas. Sinasabi sa atin ng Biblia na Siya ay pag-ibig (tingnan ang 1 Juan 4:8). Kaya, sa iyong relasyon sa pakikipag-date ngayon, aminin na kailangan mo ng gabay sa walang-nakakaalam na dagat ng pag-ibig. Ideklara sa Diyos na kailangan mo Siya na hawakan ang manibela at gabayan ka. Pagdating sa pagde-date, dito dapat magsimula ang iyong paglalakbay.


Tumugon


Ano ang naging bahagi ng takot, pagmamataas, at pagnanasa sa paghahanap mo ng romantikong pag-ibig? Paano mo naranasan ang mabuting pagmamahal?


Ano ang ilang “mapapanganib na karagatang” naranasan mo pagdating sa pagde-date?


Ano ang ibig sabihin ng pagtataas ng bandera ng pagsuko at pag-amin na kailangan mo ng gabay sa iyong buhay sa pagde-date?


Banal na Kasulatan

Araw 1Araw 3

Tungkol sa Gabay na ito

Dating In The Modern Age

Pakikipag-date... kabalisahan o katuwaan ba ang hatid nito sa puso mo? Sa lahat ng koneksiyong teknolohiya, parang naging mas komplikado, mas nakakalito at mas nakakasira ng loob ang pakikipag-date kaysa kailanman noon. ...

More

Nais naming pasalamatan si Ben Stuart sa pagbibigay ng gabay na ito. Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bumisita sa: https://www.thatrelationshipbook.com

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya