Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Tungkol sa Gabay

Miracles | Pananalangin, Pag-Aayuno, at Pagtatalaga Sa Kalagitnaan Ng TaonHalimbawa

Miracles | Pananalangin, Pag-Aayuno, at Pagtatalaga Sa Kalagitnaan Ng Taon

ARAW 5 NG 5




Mga Gawa 1:8

Ngunit pagdating ng Banal na Espiritu sa inyo, bibigyan niya kayo ng kapangyarihan. At ipapahayag ninyo ang mga bagay tungkol sa akin, mula rito sa Jerusalem hanggang sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa buong mundo.”

Karagdagang Babasahin: Marcos 16:15–20; Mga Taga-Roma 15:18–21; Mga Gawa 28:26–30

Ang kaharian ng Diyos ay hindi pisikal na lugar o politikal na bagay. Sa halip, ito ay espirituwal na katotohanan ng pamumuno at paghahari ng Diyos na makikita sa buhay ng mga taong nananalig kay Jesus at sumusunod sa Kanya bilang kanilang Hari. Makikita sa kaharian ng Diyos ang katuwiran, kapayapaan, at kaligayahan. Lalo pa itong mararanasan kapag nagpapasakop ang mga tao sa mabuting pamumuno ng Panginoong Jesus.

Itong linggo, pinag-isipan natin kung paano tayo makikilahok sa pagpapalaganap ng kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo sa mga tao sa paligid natin. Ipinapakita sa Mga Gawa 1:8 ang plano kung paano ito maisasakatuparan: mapupuspos ng Banal na Espiritu ang mga mananampalataya at mabibigyan sila ng kapangyarihang maging mga saksi ni Cristo nasaan man sila, sa paligid nila, at hanggang sa dulo ng mundo. Ang misyon at pangako ng Diyos ay hindi lamang para sa iilang pinili, kundi para sa bawat mananampalataya, anuman ang kanilang pinanggalingan o katayuan. Sa loob ng tatlong araw na pag-aayuno, nakita natin sa Mga Gawa 2–9, kung paano ginamit ng Diyos ang mga apostol, ang isang diyakono o deacon, at ang isang disipulo upang ipangaral ang ebanghelyo at ipamalas ang mga senyales at kahanga-hangang bagay, na nagresulta sa paglapit ng maraming tao kay Cristo.

Sa dulo ng aklat ng Mga Gawa, makikita natin na tunay ngang lumaganap ang ebanghelyo sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, at sa mga hindi Judio. Ngunit malayo pa ang pagtatapos ng misyon. Maraming paghihirap, paglaban, at pag-uusig pa ang naranasan ng mga mananampalataya sa pangangaral nila ng ebanghelyo. Sa kabila nito, walang nakapigil sa paglaganap ng kaharian ng Diyos. Sa mga huling talata ng Mga Gawa, kahit pa nakakulong si Pablo sa kanyang tahanan sa Roma, patuloy niyang ipinangaral ang kaharian ng Diyos at itinuro ang tungkol sa Panginoong Jesus nang buong tapang at walang pag-aalinlangan.

Marami ang nagsasabi na hindi pa talaga buo ang aklat ng Mga Gawa. Sa katunayan, nagpapatuloy ang kwento hanggang ngayon kung saan ang mga mananampalataya, taglay ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu, ay patuloy na nangangaral ng ebanghelyo ng kaharian ng Diyos at nagdidisipulo sa kanilang lugar, sa mga kalapit na lugar, at sa mga bansa. Samakatuwid, hangarin natin na maging bahagi tayo ng pagpapalaganap ng kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapahayag at pagpapakita ng ebanghelyo, habang tayo’y namumuhay nang sumusunod kay Cristo. Sa pakikibahagi natin sa Espiritu, patuloy na lalago at lalaki ang kaharian, na magdadala ng kaligtasan, kagalingan, at pagbabago sa lahat ng mananampalataya, hanggang sa ganap na pagdating ng kaharian ng Diyos at katuparan ng Kanyang kagustuhan dito sa lupa tulad ng sa langit.

  • Maglaan ng panahon sa pagdarasal, ipanalangin na ipakita sa iyo ng Diyos ang mga paraan para mapalaganap mo ang Kanyang kaharian sa pang-araw-araw mong pamumuhay—sa iyong eskwelahan, trabaho, tahanan, iglesya, komunidad, at bansa.
  • Isulat ang pangalan ng limang tao sa buhay mo na kailangang makarinig ng ebanghelyo. Magpasyang ipagdarasal mo sila at hahanap ka ng mga pagkakataon upang maipahayag at maipakita ang ebanghelyo sa kanila. Kilalanin at ilista kung paano mo maipapakita ang pag-ibig ng Diyos lalo na sa kanila.
  • Kabisaduhin ang Mga Gawa 1:8 at magpasyang gagamitin mo ito bilang paalala sa bahaging gagampanan mo sa pagpapalaganap ng kaharian ng Diyos.

Panalangin

Ama sa langit, salamat dahil hinayaan Mo akong tumulong sa Iyo sa pagpapalaganap ng Iyong kaharian sa buong mundo. Tulungan Mo akong hindi tumingin sa aking mga limitasyon at kahinaan. Tulungan Mo akong tumingin sa presensya ng Iyong Espiritu sa buhay ko at sa Iyong banal na kapangyarihang nagbibigay sa akin ng lahat ng bagay na kailangan ko sa buhay at sa trabaho kung saan mo ako inilagay. Tulungan Mo akong magkaroon ng pananampalataya at katapangang ipangaral ang ebanghelyo ng Iyong kaharian at maipakita ito sa paraang makapangyarihan at praktikal para masaksihan sila ng mga tao sa paligid ko. Nawa’y ito ang makaakay sa marami upang makita nila ang kabanalan ng Iyong pangalan. Nawa’y lumaganap ang Iyong kaharian at mangyari ang Iyong kagustuhan dito sa lupa tulad ng sa langit. Amen.

Araw 4

Tungkol sa Gabay na ito

Miracles | Pananalangin, Pag-Aayuno, at Pagtatalaga Sa Kalagitnaan Ng Taon

Sa simula at kalagitnaan ng taon, tayo’y nagsasama-sama upang mag-ayuno at ipanalanging makilala ang Diyos sa buhay natin at ng mga tao sa paligid natin. Sa pangangaral ng Kanyang salita, binibigyan Niya tayo ng kakayaha...

More

Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://www.everynation.org.ph/

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya