Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Tungkol sa Gabay

Miracles | Pananalangin, Pag-Aayuno, at Pagtatalaga Sa Kalagitnaan Ng TaonHalimbawa

Miracles | Pananalangin, Pag-Aayuno, at Pagtatalaga Sa Kalagitnaan Ng Taon

ARAW 2 NG 5




Mga Gawa 5:12–16

Maraming himala at kamangha-manghang ginawa ang mga apostol sa mga tao. Laging nagtitipon ang lahat ng mga mananampalataya sa Balkonahe ni Solomon. Kahit na mataas ang pagtingin sa kanila ng mga tao, ang ibaʼy hindi nangahas na sumama sa kanila. Sa kabila nito, nadagdagan pa ang bilang ng mga lalaki at babaeng sumasampalataya sa Panginoon. Dahil sa mga himalang ginawa ng mga apostol, dinala ng mga tao ang mga may sakit sa tabi ng daan at inilagay sa mga higaan, para pagdaan ni Pedro ay madadaanan sila kahit anino man lang nito. Hindi lang iyan, kundi marami ring mga tao mula sa mga kalapit baryo ang dumating sa Jerusalem na may dalang mga may sakit at mga taong sinasaniban ng masamang espiritu. At gumaling silang lahat.

Karagdagang Babasahin: Mga Gawa 1:8; 4:13

Natatangi ang aklat ng Mga Gawa mula sa iba pang isinulat sa Bagong Tipan dahil tungkol ito sa pagsisimula ng Iglesya at sa buhay ng Iglesya sa panahon ng mga apostol. Ang ginampanang bahagi ng Banal na Espiritu ay isang mahalagang pagbibigay-diin sa pakikilahok at pangangalaga ng Diyos na makikita sa Mga Gawa. Ang banal na gawain ng Diyos sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ay nakita sa komunidad ng sinaunang iglesya. Dahil ipinakita ng mga apostol ang mga senyales at kahanga-hangang bagay sa pamamagitan ng gawain ng Banal na Espiritu, may mga dalubhasang nagsabi na “Ang mga Gawa ng Banal na Espiritu” ang mas angkop na titulo ng aklat.

Ipinakita sa atin ng doktor na si Lucas ang pang-araw-araw na buhay ng iglesya. Sa puntong ito, nasaksihan at naranasan ng sinaunang iglesya ang mga senyales at kahanga-hangang bagay ng Diyos sa pamamagitan ng mga apostol. Kahit na sila ay mga ordinaryong tao at hindi gaya ng mga Pariseo na nag-aral at naging dalubhasa sa relihiyosong pagsasanay, iginagalang sila ng komunidad dahil sa gawain ng Diyos na nakita sa pamamagitan nila. Dahil sa pangangaral ng ebanghelyo at pagpapahayag ng Espiritu, maraming tao ang nanalig kay Jesus. Bilang isang lumalagong Kristiyanong komunidad, nakita sa buhay nila ang pananalangin, ang salita, at ang pagsasama-sama. Isinabuhay nila ang kanilang pananampalataya at hindi sila nanatiling saksi at taga-tanggap lamang ng himala. Naging daluyan sila ng pananampalataya at himala sa pamamagitan ng pananalig para matanggap din ng iba ang kanilang mga himala at sa pamamagitan ng pagtulong sa mga maysakit, nahihirapan, at itinuturing na marumi ng lipunan. Sa tuwing magsama-sama ang iglesya sa taimtim na pananalangin at pananampalataya, laging mayroong kahanga-hangang bagay na nangyayari sa kanilang kalagitnaan at sa pamamagitan nila.

Tulad natin, ang mga apostol ay ordinaryong tao—binigyang kapangyarihan ng Banal na Espiritu upang gumawa ng mga kahanga-hangang bagay para maipangaral at maipakita ang ebanghelyo ng kaharian. Ang kapangyarihan na nasa mga apostol na nagbigay sa kanila ng kakayahang gumawa ng mga senyales at kahanga-hangang bagay ay nananahan din sa bawat Kristiyano. Sabi sa Mga Gawa 1:8, ibinigay sa atin ng Diyos ang Kanyang Espiritu upang bigyan tayo ng kapangyarihan. Ang pagpapahayag ng ebanghelyo ay sasamahan ng pagpapakita ng kapangyarihan ng Espiritu—dito hanggang sa dulo ng mundo.

Ang bawat isa sa atin ay may kilalang mga tao na nangangailangan ngayon ng himala mula sa Diyos. Ang bawat isa sa atin ay ipinapadala ng Espiritu ng Diyos upang maging saksi Niya. Nakasandal tayo sa awtoridad ni Jesus upang dumaloy patungo sa iba ang mga kahanga-hangang bagay ng Diyos.

  • Sino sa mga mahal mo sa buhay ang nangangailangan ng himala ngayon? Puntahan sila at maging daluyan ng himala ng Diyos sa kanila. Tayo ay binigyan ng Diyos ng kapangyarihan at ipinadala upang ipangaral si Jesus sa mundo.
  • Ano ang isang dalangin mo na mukhang imposible pero hinihintay mong matupad? Manalig ka—ang Diyos na pinaglilingkuran natin ay gumagawa ng mga himala.

“Banal na Espiritu”

(“Holy Spirit” isang awit mula kay Stuart Townend at Keith Getty)

Banal na Espiritu, buhay na Hininga ng Diyos,
Bigyan ng bagong buhay ang aking kaluluwa;
Hayaang ang presensya ng muling nabuhay na Panginoon,
Ang magbigay ng bagong pintig sa aking puso.
Buhayin sa akin ang Iyong Salita,
Bigyan ako ng pananampalataya sa mga bagay na hindi nakikita,
Pag-alabin ang aking puso sa Iyong kadalisayan.
Banal na Espiritu, hinihiling ko ang bagong buhay.
Banal na Espiritu, nais kong mamalagi sa Iyong piling.
Nawa’y matunghayan ang kasiyahan sa lahat ng aking gagawin,
Pag-ibig na babalot sa lahat ng kasalanan,
Sa bawat ugali, gawain, at isipan.
Kabutihang para sa mataas at mababa sa lipunan,
Kahinahunang magbibigay daan sa kapayapaan.
Pag-asa sa Iyong kakayahan at hindi sa aking pagsusumikap,
Buhay na Hininga ng Diyos, ipakita si Cristo sa buhay ko.
Banal na Espiritu, mula pa sa panahon ng paglikha,
Nagbibigay buhay sa lahat ng nilalang ng Diyos na dakila,
Muling ipakita sa mundo ang Iyong kapangyarihan,
Punuin ito ng pananabik sa Iyong kaparaanan,
Palaganapin ang samyo ng aming panalangin,
Sa landas ng sakripisyo, kami ay pamunuan..
Sa aming pagkakaisa, nawa ay si Cristo
Ang malinaw na matanaw sa lahat ng dako ng mundo.
Araw 1Araw 3

Tungkol sa Gabay na ito

Miracles | Pananalangin, Pag-Aayuno, at Pagtatalaga Sa Kalagitnaan Ng Taon

Sa simula at kalagitnaan ng taon, tayo’y nagsasama-sama upang mag-ayuno at ipanalanging makilala ang Diyos sa buhay natin at ng mga tao sa paligid natin. Sa pangangaral ng Kanyang salita, binibigyan Niya tayo ng kakayaha...

More

Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://www.everynation.org.ph/

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya