Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Tungkol sa Gabay

Miracles | Pananalangin, Pag-Aayuno, at Pagtatalaga Sa Kalagitnaan Ng TaonHalimbawa

Miracles | Pananalangin, Pag-Aayuno, at Pagtatalaga Sa Kalagitnaan Ng Taon

ARAW 3 NG 5




Mga Gawa 8:1–2, 4–13

Inilibing si Esteban ng mga taong may takot sa Diyos, at labis nila siyang iniyakan. Mula noon, nagsimula na ang matinding pag-uusig sa mga mananampalataya sa Jerusalem. Kaya nagkawatak-watak ang mga mananampalataya sa buong lalawigan ng Judea at Samaria. Ang mga apostol lang ang hindi umalis sa Jerusalem. Si Saulo na sumang-ayon sa pagpatay kay Esteban . . . Ang mga mananampalatayang nangalat sa ibaʼt ibang lugar ay nangaral ng Magandang Balita. Isa sa mga mananampalataya ay si Felipe. Pumunta siya sa isang lungsod ng Samaria at nangaral sa mga tao tungkol kay Cristo. Nang marinig ng mga tao ang mga sinabi ni Felipe at makita ang mga himalang ginawa niya, nakinig sila nang mabuti sa kanya. Maraming taong may masasamang espiritu ang pinagaling niya. Sumisigaw nang malakas ang masasamang espiritu habang lumalabas sa mga tao. Marami ring paralitiko at mga pilay ang gumaling. Kaya masayang-masaya ang mga tao sa lungsod na iyon. May tao rin doon na ang pangalan ay Simon. Matagal na niyang pinahahanga ang mga taga-Samaria sa kanyang kahusayan sa salamangka. Nagmamayabang siya na akala mo kung sino siyang dakila. Ang lahat ng tao sa lungsod, mahirap man o mayaman ay nakikinig nang mabuti sa kanya. Sinabi nila, “Ang taong ito ang siyang kapangyarihan ng Diyos na tinatawag na ‘Dakilang Kapangyarihan.’” Matagal na niyang pinahahanga ang mga tao sa kanyang kahusayan sa salamangka, kaya patuloy silang naniniwala sa kanya. Pero nang mangaral si Felipe sa kanila ng Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos at tungkol kay Jesu-Cristo, sumampalataya at nagpabautismo ang mga lalaki at babae. 13Pati si Simon ay sumampalataya rin, at nang mabautismuhan na siya, sumama siya kay Felipe. Talagang napahanga siya sa mga himala at kamangha-manghang bagay na ginawa ni Felipe.

Karagdagang Babasahin: Mga Gawa 1:8; 8:25; Isaias 55:3–11

Sa talatang ito mula sa aklat ng Mga Gawa, mayroong matinding pag-uusig laban sa mga tagasunod ni Jesus. Si Esteban, na kapwa nila disipulo, ay binato hanggang sa mamatay. Ang mga disipulo ay pinag-iinitan at hinihila upang ipakulong, at sila ay nagkawatak-watak at napunta sa iba’t ibang rehiyon. Ngunit, sa halip na magtago, ipinagpatuloy nila ang pangangaral ng ebanghelyo. Sa kabila ng mga banta sa kanilang buhay, matapat at buong tapang nilang ipinangaral si Cristo. Ang isa sa kanila ay si Felipe. Si Felipe ay hindi apostol o guro. Isa siya sa pitong mga kalalakihan na may magandang reputasyon na binanggit sa Mga Gawa 6. Si Felipe ay isang diyakono o deacon, puspos ng karunungan at Banal na Espiritu, at inatasang magbahagi ng pagkain para sa mga biyuda.

Pumunta si Felipe sa Samaria, isang lugar na hindi pinupuntahan ng mga Judio, at doon ay ipinangaral niya ang salita at gumawa siya ng mga himala. Siya ang nakatala bilang unang nagministeryo sa mga Samaritano, at samakatuwid, siya ang unang nagministeryo sa labas ng Jerusalem.

Ito ay malaking bagay dahil sa kultura nila, ang mga Samaritano ay itinuturing na mas mababa kaysa sa mga Judio. Kahit na kadugo sila ng mga Judio, ang lahi nila ay hindi puro dahil nahaluan na sila ng ibang mga lahi. Dahil sa habag at karunungan ng Diyos, nais Niya na maranasan din nila ang kaligtasan at kalayaang matatagpuan kay Jesus. Dahil dito, ginamit ni Felipe ang pagkakataong maipangaral ang ebanghelyo sa kanila at nasaksihan nila ang maraming senyales at kahanga-hangang bagay, kabilang na ang pagpapalayas sa mga maruruming espiritu at pagpapagaling ng mga maysakit. Hindi kapani-paniwala! Labis ang naging kaligayahan sa lungsod na iyon dahil dito.

Hindi nag-iisa si Felipe sa paggawa ng mga himala doon. May isang taong ang pangalan ay Simon na nagsasagawa ng mahika sa Samaria. Dahil sa mga palabas niya, itinuturing siya ng mga tao bilang kapangyarihan ng Diyos. Kabaligtaran ni Simon, si Felipe ay hindi nagpapasikat ng kapangyarihan; itinutuon niya ang pansin ng mga tao sa mas malaking katotohanan, isang mas malaking himala: si Jesu-Cristo, na pumarito upang iligtas tayo mula sa ating mga kasalanan at ibalik tayo sa tamang ugnayan sa Diyos. Ang pangunahing layunin ni Felipe ay itaas ang pangalan ni Jesus at ipakilala Siya, at sa pamamagitan nito, maraming naniwala at nanalig kay Cristo lamang.

Ang pagpapakita ng Banal na Espiritu ng mga senyales at kahanga-hangang bagay ay dapat na may kasamang pangangaral ng salita ng Diyos. Ito ang tumatawag sa mga tao para makita at maranasan nila kung sino ba talaga ang Diyos, sa kabila ng pag-uusig, kultura, at sitwasyon sa paligid.

  • Maglaan ng panahon para mapag-isipan ang Isaias 55:3–11. Sa tingin mo, ano ang sinasabi sa iyo ngayon ng Banal na Espiritu?
  • Isipin ang isa o dalawang bagay na sa tingin mo ay nagiging hadlang sa paggamit sa iyo ng Diyos bilang daluyan ng Kanyang mga himala. Paano mo mapagtatagumpayan ang mga hadlang na ito? Maniwalang gagawa Siya ng mga kahanga-hangang bagay sa pamamagitan mo ngayon at sa mga darating na linggo at buwan.
  • May mga tao ba sa paligid mo na may ibang kinalakihan o kultura, at maaaring hindi mo gustong kasama, na kailangang maranasan ang himala ng Diyos at marinig ang ebanghelyo? Hingin sa Diyos na bigyan ka ng habag at tapang upang maging saksi ni Jesus para sa kanila.

Dakila Ka

(“How Great Thou Art” isang awit mula kay Carl Boberg at isinalin ni Stuart K. Hine)

Panginoon, aking Diyos, sa tuwing ako’y nabibighani
Sa pagtingin sa lahat ng mundong Iyong nilikha;
Nakikita ang mga bituin, naririnig ang paggulong ng mga kulog,
pinagmamasdan ang Iyong kapangyarihan sa buong kalawakan.
Ang puso ko, O Diyos, may himig sa Iyo.
Dakila Ka, Dakila Ka.
Ang puso ko, O Diyos, may himig sa Iyo.
Dakila Ka, Dakila Ka.
At hindi ko kinakaya sa tuwing aking naiisip,
Na hindi ipinagkaila ng Diyos ang Kanyang Anak,
Sa Krus, na buong kagalakan Niyang binuhat,
Siya’y sinugatan at namatay, at inako ang aking kasalanan.
Sa pagbabalik ni Jesus, sa gitna ng mga parangal,
Sa pag-uwi sa aking tahanan, ligaya ang sa puso’y mag-uumapaw.
Buong pagpapakumbabang luluhod sa Iyong harapan,
At ipapahayag na, “Aking Diyos, dakila Ka!”
Araw 2Araw 4

Tungkol sa Gabay na ito

Miracles | Pananalangin, Pag-Aayuno, at Pagtatalaga Sa Kalagitnaan Ng Taon

Sa simula at kalagitnaan ng taon, tayo’y nagsasama-sama upang mag-ayuno at ipanalanging makilala ang Diyos sa buhay natin at ng mga tao sa paligid natin. Sa pangangaral ng Kanyang salita, binibigyan Niya tayo ng kakayaha...

More

Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://www.everynation.org.ph/

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya