Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Tungkol sa Gabay

Nabagong Pamumuhay: Sa Pag-aasawaHalimbawa

Living Changed: In Marriage

ARAW 3 NG 5

Kagalingan


Kapag kayo ay nagpakasal at nagsama na sa iisang bubong, pareho kayong may mga dala-dala. Ang iyong likhang sining, ang kanyang paboritong upuan, ang iyong koleksyon ng mga tasa, ang kanyang game console, at isang trak ng mga kahon na puno ng inyong mga ari-arian. Bagama't maaari kayong magtalo sa kung ano ang itatabi at kung ano ang itatapon, ang hindi nakikitang bagahe ang pinaka-nakakapinsala sa inyong buhay may-asawa.


Batid man ninyo ito o hindi, malamang na sinimulan ninyo ang inyong bhay may-asawa na may mga sugat na hindi pa gumagaling mula sa mga nakaraang relasyon. Marahil ang isang dating kasintahan o dating asawa ay hindi nagbigay ng sapat na atensyon sa iyo at iniwan kang may damdaming hindi ka ginusto. Marahil ay patuloy kang sinisira ng isang magulang o kapatid kaya ngayon ay natatakot kang sabihin ang nasa isip mo. Anuman ang iyong mga sugat, mahalagang matukoy ang mga ito para hindi magtagal ang mga epekto nito at magdulot ng tensyon sa inyong pagsasama.


Isipin kung ano ang nagdudulot ng galit o kalungkutan sa inyo. Minsan ang pinakamaliit na bagay ay maaaring makapagpahina sa atin. Iyon ay karaniwang indikasyon ng hindi gumaling na sugat.


Kapag nalaman na ninyo ang mga salita o kilos na ikinagagalit ninyo, pag-isipan kung bakit. Hilingin sa Diyos na tulungan kayong matukoy ang ugat ng inyong reaksyon at payagan Siya na bigyan kayo ng kaaliwan at pagpapagaling. Maaaring gusto ninyong bisitahin ang isang tagapayo para sa karagdagang tulong sa pagtukoy ng inyong mga sugat at pagharap sa inyong nakaraan. Ang paghingi ng tulong ay hindi tanda ng kahinaan kundi ng kababaang-loob at karunungan.


Sa pagharap ninyo sa sakit sa inyong nakaraan, maaari ninyong mapagtanto na pinipigilan ninyo ang pagpapatawad sa isang taong nanakit sa inyo. Maaaring hindi ninyo iniisip na karapat-dapat silang patawarin, ngunit hinihimok ko kayong piliin pa rin ang pagpapatawad. Sinusunod natin ang isang mapagpatawad na Diyos na, sa pamamagitan ni Cristo, ay nagbigay sa atin ng malinis na talaan na hindi natin pinagpaguran at hindi tayo karapat-dapat. Bilang mga tagasunod ni Cristo, tinawag tayo na maging katulad Niya at magpatawad, kahit na hindi nararapat ang pagpapatawad. Magpasya na iwanan ang galit at iwanan ang sakit. Piliin na magtiwala sa Diyos sa kahihinatnan dahil Siya ay makatarungan. Nais ng Diyos na magpatawad kayo dahil higit sa anupaman, nais Niyang lumaya kayo sa hindi pagpapatawad na nagdudulot ng kapaitan sa inyong puso.


Habang kumikilos kayo tungo sa pagpapatawad, hilingin sa Diyos na palitan ang mga negatibong kaisipan at sakit ng Kanyang katotohanan. Siya lamang ang makapagpapagaling sa mga nawasak na bahagi ng inyong puso at makakalikha ng kagandahan mula sa abo. Hilingin sa Diyos na palambutin ang inyong puso sa iba at tulungan kayong makita ang inyong sarili tulad ng pagtingin Niya sa inyo. Kapag pinahintulutan ninyo ang Diyos na pagalingin ang inyong mga sugat at pagalingin kayo, mas malamang na hindi kayo tumugon sa inyong asawa nang dahil sa takot, pagkagalit, o pagdududa.


Ang paghilom ng inyong mga sugat ay magdadala ng kalusugan sa inyong pagsasama. Gayunpaman, hindi lamang ang sakit sa inyong nakaraan ang kailangan ninyong harapin. Kailangan din ninyong piliin na patawarin ang mga pang-araw-araw na pagkakasala tulad ng mga pinggan na naipon sa lababo at ang mga medyas na nahulog sa tabi at hindi sa hamper. Kailangan ninyong patawarin ang mga walang ingat na pananalita at ang mga nakalimutang anibersaryo. Ang pagpapatawad ay isang bagay na kailangang mangyari sa lahat ng oras.


Ang iyong asawa ay hindi perpekto at hindi siya magiging perpekto. Katulad mo, kailangan niya ng biyaya. Hindi rin siya ang lahat ng lalaking nanakit sa iyo. Huwag isipin at ipagpalagay ang pinakamasama sa kanya. Sa halip, makipag-usap at talakayin ang mga bagay nang hayagan. Hangga't maaari, maging mabilis na patawarin ang mga maliliit na pagkakasala at mamuhay nang payapa sa isa't isa.


Habang gumagaling ka, maaaring matukso kang ituro ang mga sanhi at sugat na nakikita mo sa iyong asawa. Bagama't maaaring nagmula ito sa isang magandang lugar ng pagnanais na makahanap siya ng kagalingan kasabay mo, gawin ang iyong makakaya upang manahimik. Hayaang ang iyong paglalakbay sa pagpapagaling ang siyang mangusap. Pupukawin ng Diyos ang puso ng iyong asawa sa Kanyang perpektong panahon, at ang pagbabagong nakikita niya sa iyo ay talagang magiging pinakamahusay na paraan ng paghihikayat.


Araw 2Araw 4

Tungkol sa Gabay na ito

Living Changed: In Marriage

Walang perpektong pagsasama dahil ang pag-aasawa ay pagsasama ng dalawang di-perpektong tao. Ngunit sa tulong ng Diyos, maaaring magkaroon ng magandang buhay may-asawa–hindi sa pamamagitan ng paghiling sa Kanya na ayusin...

More

Nais naming pasalamatan ang Changed Women's Ministries sa pagbabahagi ng gabay na ito. Para sa karagdagang kaalaman, maaaring bisitahin ang: http://www.changedokc.com

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya