Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Tungkol sa Gabay

Nabagong Pamumuhay: Sa Pag-aasawaHalimbawa

Living Changed: In Marriage

ARAW 2 NG 5

Pagkakakilanlan


Lagi tayong tinitira ng mga mensaheng nagsasabing hindi tayo sapat. Ang mga pelikula, social media, at mga patalastas ay lahat nagsasabi sa atin kung sino dapat tayo at kung anong kailangan nating bilhin para maging maayos ang ating buhay. Nasanay tayong humanap ng katibayan mula sa iba.


Gusto nating isipin ng mga taong maganda ang ating tahanan at hangaan ang ating buhay may-asawa. Gusto nating sabihin sa atin ng mga asawang lalaki natin na masarap ang hapunan at pahalagahan ang mga ginagawa natin para sa kanila. Pinapagod natin ang mga sarili natin habang sinusubukan nating gawin at sabihin ang mga tamang bagay para makamit natin ang titulong "mabuting asawang babae." Iniisip nating kung makakatanggap lang tayo ng sapat na papuri, makakaramdam na tayo ng pagiging marapat. Sa kasamaang palad, nangangahulugan itong ang kabaligtaran nito ay totoo rin. Kapag hindi natin natatanggap ang mga salita ng pagsang-ayon mula sa mga nakapaligid sa atin, nangangahulugan itong hindi tayo marapat.


Ang palagiang taas-babang ito na nakabase sa mga papuri ng iba ay nagdadala ng kahungkagan. Walang makakapuno sa atin at makakabuo sa atin maliban sa relasyon kay Jesus. Kapag huminto tayong hanapin ang pagsang-ayon ng lahat ng nakapaligid sa atin ay doon lamang natin matututunang unahin ang opinyon ng Diyos. Ito ang ibig sabihin ng pag-uugat ng ating pagkakakilanlan kay Cristo–ang maging matibay ang ating pagkakatanim sa Kanya na hindi tayo natitinag sa mga opinyon ng ibang tao.


Kapag ang ating pagkakakilanlan ay nakabalot sa anumang bagay maliban sa pagiging anak ng Diyos–tulad ng pagiging asawang babae–nawawala ang pagtitiwala natin sa ating sarili. Kapag ipinapakita natin ang ating kawalang-tiwala sa sarili, nagiging mas malihim tayo, matatakutin, madaling masaktan, mapanupil, o madaling panghinaan ng loob. Hindi tayo magiging payapa kapag tayo'y laging naghahanap ng pagsang-ayon. Kapag hindi natin alam kung sino tayo sa labas ng ating buhay may-asawa, nagkakaroon ng tensyon at maging pagkakahiwa-hiwalay.


Sa kabaligtaran, kapag namumuhay tayo bilang anak ng Diyos, nagagawa nating maging mas sensitibo, mas bukas, at nagtitiwala. Hindi natin kailangang magsumikap para makuha ang pagsang-ayon ng Diyos dahil ang Kanyang pag-ibig ay walang pasubali at ibinibigay nang walang kabayaran. Kapag hindi tayo tumitingin sa ating mga asawa upang siyang magpupuno ng kakulangan sa ating mga puso at sa halip ay pinapayagan natin ang Diyos na manguna sa ating mga buhay, magkakaroon tayo ng kapayapaan at ang ating buhay may-asawa ay mas magiging matibay.


Kung gusto mong maging mas maayos ang iyong buhay may-asawa, hayaan mong ang Diyos ang tanging magkaroon ng kapangyarihan sa kung sino ka. Hindi ang mundo, hindi ang iyong asawa, ang iyong mga kaibigan, ang iyong biyenang babae, o maging ang tinig sa iyong isipan. Patuloy ang paghabol ng Diyos sa iyo, naghihintay sa iyo, naghahangad ng isang relasyong kasama ka. Ikaw ay hinahangad at minamahal ng Manlilikha ng sanlibutan.


Kung lubos mong nauunawaan kung gaano kalalim ang pagmamahal ng Diyos sa iyo–maingat ka Niyang hinugis sa tiyan ng iyong ina, na ibinilang ka Niya sa Kanyang pamilya at may mga dakilang plano para sa iyo, na ikaw ay pinili at itinalaga, hindi mo na kakailanganin ang pagsang-ayon ng iba. Syempre, masarap makarinig ng mga papuri mula sa iyong asawa, ngunit kung mananangan ka lang sa mga salita niya, hindi ka kailanman makukuntento. Manatili kay Cristo para sa bawat pangangailangan mo at makakatagpo ka ng bagong pagtitiwala sa kung sino ka at paano ka Niya nakikita.


Araw 1Araw 3

Tungkol sa Gabay na ito

Living Changed: In Marriage

Walang perpektong pagsasama dahil ang pag-aasawa ay pagsasama ng dalawang di-perpektong tao. Ngunit sa tulong ng Diyos, maaaring magkaroon ng magandang buhay may-asawa–hindi sa pamamagitan ng paghiling sa Kanya na ayusin...

More

Nais naming pasalamatan ang Changed Women's Ministries sa pagbabahagi ng gabay na ito. Para sa karagdagang kaalaman, maaaring bisitahin ang: http://www.changedokc.com

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya