Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Tungkol sa Gabay

Mga Inang Hindi NatitinagHalimbawa

Unshakable Moms

ARAW 6 NG 6

"Walang takot sa Gitna ng Bagyo"



Sa kinalakihan kong lugar, may natutunan akong isa o dalawang bagay tungkol sa bagyo. Magmula sa tila baga nasisiraan ng bait na panahon, hanggang sa mga buhawing pinaggugutay-gutay ang mga bayan - siguradong hindi ka maiinip dito. Kapag nakatira ka sa isang lugar na madalas ay nakakaranas ng nakakatakot na lagay ng panahon, gumagawa ka ng pananggalang. Ang iyong tahanan ay nakatayo sa matibay na pundasyon, at may plano ka. Ito na ang pamantayan ng buhay kapag nakatira ka sa lugar na laging may pangamba ng bagyo.



Pinag-uusapan natin ang tungkol sa pagtatayo ng pundasyong hindi natitinag. Isang pundasyong kayang tumayo sa pagsubok ng panahon, matibay na nakatayo sa Banal na Salita ng Diyos. Ngunit gumagawa ka ba ng pananggalang para sa mga panahong darating ang mga bagyo? Sapagkat hindi ito maiiwasan, ang mga bagyo ng buhay ay darating. Madaling sabihin na hindi ka natitinag kapag ang lahat ay maayos, ngunit batid natin na ang mga bagyo ay darating o maaaring nasa gitna ka na nito sa kasalukuyan.



Sa Lucas 8, si Jesus ay nasa bangka kasama ang Kanyang mga alagad. Isang malakas na bagyo ang dumating at napupuno na ng tubig ang bangka, may pangambang ito ay lumubog. Habang nangyayari ito, si Jesus ay umiidlip. Kawili-wili sa akin ang kuwentong ito, dahil isang biglaang bagyo lamang ito. Walang mga meteorolohistang nagbabala sa kanilang tungkol sa parating na bagyo, at marahil ay wala silang nabanaagang kahit anong babala sa kalangitan. Iniisip kong maaraw noong sila ay nagsimulang pumalaot at bigla na lamang dumating ang bagyo. Ang bagyo ay isang pagsubok sa kanilang pananampalataya. Nagtungo ako sa Israel ilang taon na ang nakakalipas at nakasakay ako sa isang bangkang tumawid sa dagat ng Galilea, sa lugar kung saan pinatahimik ni Jesus ang bagyo sa bangkang iyon. Sa aking pagkagulat, ang Dagat ng Galilea ay isang maliit na lawa lamang pala. Makikita mo ang kabilang dulo nito, kaya't ang bagyong ito ay ikinagulat talaga nila sapagkat malamang ay hindi sila papalaot kung nakita nila ang masamang panahon.



"Nasaan ang inyong pananampalataya?" tinanong sila ni Jesus nang ginising Siya ng mga ito.



Gaano mong kadalas naririnig ang pariralang iyan na ibinubulong sa iyong tainga? Gaano kadalas kang lumalakad sa ilalim ng sikat ng araw at bigla na lamang mula kung saan ay tinatamaan ka ng bagyong sumisira sa iyong pananampalataya? Maaaring nakikipaglaban ka sa isang bagay na hindi mo madalumat. Maaaring ang bagyo mo ay higit pa sa kaya mong batahin. Nagmamakaawa ka sa Diyos - "gumising Ka at iligtas Mo ako!", at tinatanong ka Niya ng "Nasaan ang iyong pananampalataya?"



Handa ka bang walang takot na tayuan ang iyong mga bagyo? Tumayo ka nang may katatagan sa napakagandang katotohanan na nagapi na silang lahat ni Cristo!

Banal na Kasulatan

Araw 5

Tungkol sa Gabay na ito

Unshakable Moms

Paano kung kaya mong gumawa ng isang napakatibay na bahay, na kahit mga bagyo ng kagipitan ay hindi ito mapapagalaw? Paano kung ang iyong pundasyon ay napakatatag na kahit na yumayanig na ang sahig na kinatatayuan mo, na...

More

Nais naming pasalamatan ang Thrive Moms sa pagbibigay ng gabay na ito. Para sa karagdagang kaalaman, mangyaring bisitahin ang: thrivemoms.com

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya