Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Tungkol sa Gabay

Bagong Buhay: LayuninHalimbawa

Living Changed: Purpose

ARAW 4 NG 5

Sa Paghihintay



Ang unang tatlong araw ng gabay na ito ay nagbigay sa iyo ng maraming bagay na maaaring pag-isipan. Natural lang kung nahihirapan kang ikonekta ang mga bagay-bagay patungkol sa kung anong gustung-gusto mo, kung saan ka mahusay, at ang mahihirap na bagay na nalampasan mo. Sa halip na mabigatan ka dahil dito o kaya naman ay mag-isip ka nang sobra, tanggapin mo ang panahon ng paghihintay. Maaaring gusto Niyang magturo ng isang bagay sa iyo bago Niya ipakita ang mga plano Niya para sa iyo. 



Para sa akin, kinailangan kong matutunang makita ang sarili ko ayon sa salamin ng katotohanan ng Diyos bago ko makita ang mas malaking larawan Niya para sa aking buhay. Napakaraming beses na naniwala ako sa kasinungalingang wala akong maiibigay at halos hinayaan ko itong hadlangan kung anong nais ng Diyos na gawin ko. Noong nagsisimula ako sa ministeryo, pakiramdam ko ay hindi sapat ang nalalaman ko sa Banal na Kasulatan at hindi ako ganoon kahusay upang gumawa ng anumang makabuluhang bagay. Sa kabila ng kawalan ko ng kumpiyansa sa sarili, nangako ako sa Diyos na susuko ako sa anumang ilagay Niya sa harapan ko. Nang lumabas ako sa mga bagay na nakasanayan ko na at nag-alok na maglingkod, nagulat akong malaman na gusto at kailangan nila ang iniaalok ko. Ang katotohanan ay walang sinumang nagturing sa aking walang kakayahan o walang kagalingan, lalong hindi ang Diyos. Subalit, binigyan ko ang mga kasinungalingan sa isipan ko ng higit na kapangyarihan sa buhay ko kaysa sa katotohanan ng Salita ng Diyos. 



Nakadama rin si Moises ng pagiging kulang. Sa aklat ng Exodo, ginamit ng Diyos si Moises upang palayain ang mga Israelita mula sa pagkaalipin sa mga Egipcio at ibigay sa kanila ang kautusang Judio na sinunod nila sa loob ng maraming siglo. Si Moises ay isa sa pinakamahalagang pinuno sa kasaysayan ng mga Israelita, ngunit nang siya ay tawagin ng Diyos upang humakbang sa layuning iyon, hindi naniwala si Moises na marapat siya para sa gawaing iyon. Kahit na nang nangako sa kanya ang Diyos na siya ay sasamahan, ipinilit pa rin ni Moises na hindi siya sapat at hiniling niya sa Diyos na pumili ng ibang tao. Humintong panandalian at pag-isipan ito. Si Moises ay nakikipag-usap sa makapangyarihang Diyos na hindi nalilimitahan ng oras, batid ang lahat ng bagay, at siya pa rin ang gustong gamitin. Dapat ay sapat na iyan upang magkaroon ng kumpiyansa si Moises. Subalit, ilang beses na ba nating ginawa rin ang ganitong bagay?



Sa sandaling ito, maaaring hindi ka tiyak sa iyong layunin o wala kang kakayanang gawin ang isang bagay na nararamdaman mong ipinapagawa sa iyo. Ngunit maaari mong paniwalaan ang Salita ng Diyos na nagsasabing ikaw ay mayroong natatanging mga kaloob at kakayahan. Maaaring hindi mo pa napapagtanto ang mga kaloob mo dahil tila napakaliit nito kumpara sa kaloob ng ibang tao o maaaring hindi mo ito pinahahalagahan dahil napakadali nito para sa iyo. Ang katotohanan ay, ang mga bagay na natural na dumarating sa iyo ay hindi mga bagay na magagawa ng lahat. Ang kaya mong ibigay ay espesyal, at nakatakda kang gumanap ng napakahalagang papel sa plano ng Diyos. Tanungin mo sa Kanya kung ano ito.



Kung hindi ka sigurado kung paanong nakakarinig sa Diyos, kilalanin mo pa Siyang mabuti. Basahin mo ang Kanyang Salita, ang Biblia, araw-araw. Magkaroon ng isang mas matatag na buhay-panalangin sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa Kanya at pakikinig sa Kanya. Paligiran mo ang sarili mo ng mga taong sumasalamin sa larawan ni Jesus, Pagsumikapan mong magkaraoon ng mas malapit na relasyon sa Diyos, at hindi magtatagal, makikilala mo na ang tinig Niya. 



Kapag nararamdaman mong nawawala ka sa iyong paghihintay, tumuon sa pakikinig sa Diyos. Pag-aralan ang sinasabi Niya sa iyo, hilingin mo sa Kanyang tulungan kang makita at sabihin ang mga kasinungalingan upang hindi ka na mahawakan ng mga ito. Pag-isipan kung paano mong masasanay ang sarili mo sa pagsunod ngayon, sa maliliit na bagay, upang maging handa ka kapag nagpahayag Siya ng higit pa. Hilingin mo sa Kanyang ipakita sa iyo kung saan ka mahusay, at pagkatapos ay maging handang ibigay sa Kanya ang lahat. Gawin ang mga bagay na ito habang hinihintay mo Siya dahil kadalasan, ang ating layunin ay nasa kabilang banda lang ng ating kahandaang sumuko at makinig. 



O Diyos, salamat na lumikha ka ng tiyak na layuning para lang sa akin. Tulungan Mo akong makita ang sarili ko ayon sa nakikita Mo at iwaksi lahat ng kasinungalingang maaaring humahawak sa aking pababa. Tulungan Mo akong paniwalaang kahanga-hanga ang pagkagawa Mo sa akin ayon sa Iyong wangis at walang ibang katulad ko, Patuloy Mo akong padalisayin at ihanda Mo ako sa layunin Mo para sa akin. Ipakita Mo sa akin ang susunod na hakbang upang maging mas malapit ako sa Iyo at para tulungan akong mapunuan ang lugar na ginawa Mo para sa akin sa Iyong Iglesia. Sa pangalan ni Jesus, amen,


Araw 3Araw 5

Tungkol sa Gabay na ito

Living Changed: Purpose

Naisip mo na ba minsan kung para sa anong gawain ka nilikha ng Diyos o naitanong sa Kanya kung bakit napagdaanan mo ang ilang mga karanasan? Ikaw ay bukod-tanging nilikha para sa isang sadya-sa-iyong tungkulin na ikaw la...

More

Nais naming pasalamatan ang Changed Women's Ministries para sa pagbibigay ng gabay na ito. Para sa karagdagang impormasyon, mangyaring bisitahin ang https://www.changedokc.com/

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya