Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Tungkol sa Gabay

Bagong Buhay: LayuninHalimbawa

Living Changed: Purpose

ARAW 2 NG 5

Mga Kaloob mula sa Diyos



Huminto ka na ba upang pag-isipan kung paanong ang lahat ng mga bahagi ng iyong buhay ay pinagtugma-tugma? Napapagtanto mo man o hindi, naglagay ang Diyos ng mga bagay sa iyong landas at nagbigay sa iyo ng mga pagkakataon upang palakasin ang iba't ibang mga kasanayan mo, para maihanda ka Niya patungo sa iyong layunin. 



Bilang isang 30-taong gulang na babae, naalala ko ang mga panahong kasama ako sa cheerleading at iniisip ko kung paano ito maiuugnay sa aking buhay nang ako ay maygulang na. Sa loob ng 13 taon, simula kindergarten hanggang sa pagtatapos ko sa mataas na paaralan, kasali ako sa cheerleading ng aking paaralan at namuno sa mga pep rallies. Sa aking pagtanda, hindi ko makita ang dahilan ng Diyos sa pagbibigay sa akin ng ganoong mga karanasan. 



Hindi nagtagal, dumalo ako sa isang pagpupulong kung saan narinig ko ang mga kababaihang maalab na nagsasalita tungkol sa kanilang pag-aakay sa mga tao patungo kay Cristo. Naisip ko, "Gusto kong gawin iyan pagdating ng araw." Sa oras na iyon din, may ipinaunawa sa akin ang Diyos. Dahil sa pagsali ko sa cheerleading, hindi ako naaasiwa sa harap ng maraming tao at kaya kong makuha ang kanilang atensyon. Sa maraming mga taong iyon, inihahanda ako ng Diyos para sa papel na nilikha Niya para sa akin.



Ang bawat isa sa mga karanasan mo sa buhay ay siyang gumagawa ng isang natatanging ikaw. Pag-isipan mo ang mga likas na talentong ibinigay ng Diyos sa iyo, ang iba't ibang pagkakataon na naranasan mo, ang mga kasanayang tinaglay mo. Isipin mo kung saan ka lumaki, kung saan ka naglakbay, kung ano ang mga natutunan mo. Maaaring nauunawaan mo ang iba't ibang kultura at kaya mong makipag-ugnayan sa mga tao sa buong mundo, o kaya naman ay kaya mong lumikha ng sining na nagbibigay-inspirasyon at nagpapakilos sa mga tao. Ang iba't ibang karanasan mo sa buhay ay maaaring walang halaga kung titingnan mo nang isa-isa, pero kapag ang mga ito ay pinagsama-sama, sila'y patungo sa isang buhay na makabuluhan na magagamit mo para sa pagluluwalhati sa Diyos. 



Makikita natin ito sa aklat ni Ester, na nagkukuwento tungkol sa isang babaeng Judio na nasa isang natatanging posisyon upang iligtas ang kanyang mga kababayan mula sa isang lansakang paglipol ng lahi. Sa kanyang pagiging asawa at reyna ng Hari ng Persia, hindi niya nakita ang sarili niyang natatangi o mas mahalaga sa plano ng Diyos kaysa sa ibang tao. Ginagawa lang niya ang makakaya niya upang mabuhay. Ngunit dahilan sa kung sino siya, kung saan siya naninirahan, sa panahong siya ay nabubuhay, kung sino ang mga taong naiimpluwensyahan niya, at ang karunungang ibinigay sa kanya ng Diyos, siya ay ginamit Niya para iligtas ang mga Israelita mula sa kamatayan.



Hindi na kailangang tanungin ang pagbibigay sa iyo ng Diyos ng mga kasanayan, mga talento, edukasyon, kapangyarihan sa pananalapi, estado, o impluwensyang natatangi sa iyo. Ang tanong ay kung paano mo gagamitin ang mga ito. Hindi mo kailangang nasa isang buong-panahong ministeryo upang gawin ang trabaho ng Diyos. Maaari kang magtrabaho para sa Diyos sa iyong negosyo o sa tahanan, marami mang kasama o kakaunti. Marami sa atin ay hindi sisikat pagdating ng araw, pero lahat tayo ay may mga taong maiimpluwensyahan at may mga natatanging kaloob na kailangan ng mga taong iyon. Hilingin mo sa Diyos na ipahayag sa iyo kung paanong ang mga bagay na ito ay makakatulong sa iyo para sa Kanyang layunin.



O Diyos, salamat sa lahat ng ibinigay Mo sa akin at sa bawat pagkakataong inilagay Mo sa aking landas. Ipakita Mo sa akin ang lahat ng mga kalakasan, mga katangian, mga napag-aralan, impluwensya, at probisyong tanging sa akin Mo lamang ibinigay. Ipahayag Mo sa akin kung paanong ang lahat ng ito ay nagsasama-sama upang ituro sa akin ang Iyong layunin para sa buhay ko. Nais kong gamitin ang mga bagay sa aking nakaraan para sa Iyong kaharian. Tulungan Mo akong makapagbihay ng luwalhati at karangalan sa Iyo. Sa pangalan ni Jesus, Amen.


Araw 1Araw 3

Tungkol sa Gabay na ito

Living Changed: Purpose

Naisip mo na ba minsan kung para sa anong gawain ka nilikha ng Diyos o naitanong sa Kanya kung bakit napagdaanan mo ang ilang mga karanasan? Ikaw ay bukod-tanging nilikha para sa isang sadya-sa-iyong tungkulin na ikaw la...

More

Nais naming pasalamatan ang Changed Women's Ministries para sa pagbibigay ng gabay na ito. Para sa karagdagang impormasyon, mangyaring bisitahin ang https://www.changedokc.com/

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya