Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Tungkol sa Gabay

Bagong Buhay: LayuninHalimbawa

Living Changed: Purpose

ARAW 3 NG 5

Layunin sa Sakit



Kung minsan, maaaring mahirap makita kung paanong posibleng gamitin ng Diyos ang sakit ng ating nakaraan para sa kabutihan. Subalit, paulit-ulit sa Biblia, makikita natin ang mga halimbawa kung saan ginamit ng Diyos ang pinakamadidilim at pinakamahihirap na sitwasyon sa buhay ng mga tao para sa Kanyang kaluwalhatian. 



Isinasalaysay ng Genesis 37-50 ang kuwento ni Jose kung saan punung-puno ng pagseselos at poot laban sa kanya ang kanyang mga kapatid kaya't ipinagbili siya upang maging alipin. Tila hindi pa sapat, ang mga kasinungalingan ng asawa ng kanyang amo ay nagdala sa kanya sa kulungan. Katulad ng marami sa atin, hinarap niya ang napakahirap na damdamin ng pagkakanulo, pagwawaksi, at pag-abandona—ngunit ang Diyos ay kumikilos. Sa wakas, dahil sa kanyang kalagayang tila wala nang pag-asa, si Jose ay naging pangalawa sa kapangyarihan ng Faraon na may kapangyarihang iligtas ang kanyang pamilya at ang buong Egipto mula sa taggutom at kamatayan. Sa pagbabalik-tanaw, kinilala ni Jose na hindi Siya kailanman iniwan ng Diyos kundi tahimik nitong isinasaayos ang isang himala. 



Katulad ni Jose, lahat tayo ay nakakaranas ng sakit at pighati. Ang ilan sa atin ay nakakaranas pa nga ng napakatinding trahedya o walang-kapatawarang pang-aabuso. Subalit, ang mga ganitong kuwento ay nagbibigay sa atin ng pag-asa na, kapag kasama natin ang Diyos, matatagpuan natin ang layunin sa ating sakit. 



Sa maraming panahon, ang ating mga sakit ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon upang magkaroon ng positibong epekto sa mundo sa paraang tayo lamang ang makagagawa. Narinig ko nang sinasabi na tanging ang mga nawalan lamang ng magulang ang talagang makakaunawa kung anong kawalan iyon. Totoo. Ang pagkawala ng aking ama ay masakit pa rin hanggang ngayon, ngunit nakikita ko ngayon kung paanong nagbibigay ito sa akin ng kakayahang mangusap sa buhay ng ibang tao at bigyan sila ng kaaliwan sa antas na kakaunti lamang ang may kakayahan. Sa aking karanasan, ang kirot na ating nadama ay siyang makapagdadala sa atin sa ating layunin.



Maaaring dahil sa iyong nakaraan, ikaw lang ang maaaring magbigay ng pag-asa sa buhay-may asawa ng isang tao, o maaaring ang mga hamong hinarap mo noong kabataan mo ay makakatulong sa mga pamilyang makita ang mga babala patungkol sa pananakit sa sarili. Maaaring dahil sa mga pinagdaanan mong paghihirap, makakatulong ka sa mga nagdadaan sa suliranin ng pagkabaog, pagkagumon, o sakit na kanser. Anuman ang kuwento mo, may kagandahan at kapangyarihan sa pagpili mong ibahagi ang iyong patotoo sa ibang tao. 



Kung sa kasalukuyan ay nagdaraan ka sa mahirap na panahon, maaaring hindi mo maisip kung anong inilalaan sa iyo ng Diyos sa hinaharap. Okay lang iyan. Sa sandaling ito, hindi mo kailangang malaman kung paanong gagamitin ng Diyos ang sakit na nadarama mo. Maniwala ka lang na gagawin Niya ito, Hayaan mong magbigay ito ng pag-asa sa iyo upang magpatuloy.



O Diyos, salamat at nangako Ka sa akin na hindi Mo hahayaang ang mahihirap na bagay na pinagdaanan ko sa buhay ay masayang lang. Salamat na ipinangako Mo sa akin na ginagawa Mong ang LAHAT ng mga bagay ay magiging para sa aking ikakabuti. Jesus, ibinibigay ko sa Iyo ang lahat ng madilim, pangit, at di-magagandang bahagi ng aking nakaraan at nagtitiwala akong gagawin mo ang mga itong maganda. Pagkalooban Mo ako ng kagalingan at ipakita Mo sa akin kung paano ko magagamit ang aking nakaraan para sa mga layunin Mo. Puspusin Mo ako ng pag-asa at pagtitiwala sa Iyo. Sa pangalan ni Jesus ako'y nananalangin, Amen.


Araw 2Araw 4

Tungkol sa Gabay na ito

Living Changed: Purpose

Naisip mo na ba minsan kung para sa anong gawain ka nilikha ng Diyos o naitanong sa Kanya kung bakit napagdaanan mo ang ilang mga karanasan? Ikaw ay bukod-tanging nilikha para sa isang sadya-sa-iyong tungkulin na ikaw la...

More

Nais naming pasalamatan ang Changed Women's Ministries para sa pagbibigay ng gabay na ito. Para sa karagdagang impormasyon, mangyaring bisitahin ang https://www.changedokc.com/

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya