Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Tungkol sa Gabay

Pagtitiwala, Pagsisikap, at PagpapahingaHalimbawa

Trust, Hustle, And Rest

ARAW 4 NG 4

Pahinga

Tulad sa nakita natin nitong mga nagdaang araw, ang pagtitiwala ay mahirap ngunit isang simpleng pagkilala na hindi tayo ang responsable upang magkabunga sa pamamagitan ng ating paggawa—kundi ang Diyos. Kapag nagawa natin ang mahalagang unang hakbang na ito, tama ngang magsumikap tayo, para magamit ang ating mga kakayahang ibinigay ng Diyos upang matupad ang ating pagkakatawag. Ngunit paano natin nalalaman kung tayo ay nagtitiwalaat nagsusumikap din? Ang pagsusumikap ay madaling makita. Ito ay makikita sa mga inbox ng ating email, sa mga tala ng kailangan nating gawin, at sa ating magulong isipan. Ngunit paano nating malalaman kung talagang nagtitiwala tayo sa Diyos, sa halip na sa mga sarili natin, upang magkabunga? Marahil ang pinakamainam na tagapagpahiwatig ay kung tayo ba ay nagkakaroon ng kapahingahan. 


Ang kapahingahan ang hinahangad nating lahat. Madali nating napapagtanto na ang kapahingahan ay hindi lamang ang paggugol ng oras sa labas ng opisina. Dahil ang linya sa pagitan ng trabaho at ng tahanan ay napakalabo, maaaring maging imposible na ihiwalay ang pisikal at pang-kaisipang aspeto mula sa pangangailangan ng walang-tigil na paggawa. Kahit nasa tahanan tayo, tinitingnan natin ang ating email, Instagram, kalendaryo, atbp. Lagi tayong may ginagawa. Hindi tayo mapakali. 


Paano nating makukuha ang kapahingahang matagal na nating inaasam? Ibinigay ni St. Augustine ang kasagutan: "Ang mga puso natin ay hindi mapakali, hanggang matagpuan nito ang kapahingahan sa Iyo." Hindi tayo mapapahinga hanggang matagpuan natin ang kapahingahan tanging sa Diyos lamang masusumpungan. Nangangahulugan itong bagama't dapat tayong magsumikap, kailangang una nating pagkatiwalaan ang Diyos na, sa buong kasaysayan natin, ay naging tapat sa pagtustos sa Kanyang bayan. Kung pinagkakatiwalaan natin ang katauhan ng Diyos at pinangangasiwaan ang mga talentong ibinigay Niya sa atin, makapagpapahinga tayo dahil batid nating ang bunga nito ay nasa Kanyang mga kamay, na Siya ang may kapamahalaan dito at ginagawa Niyang ang lahat ay maging mabuti. Sa mga salita ni Solomon sa Kawikaan 16:33, "Isinasagawa ng tao ang palabunutan, ngunit si Yahweh lang ang huling kapasyahan."


Ito ang tanging daan tungo sa tunay at malalim na kapahingahan, sa pagkilos, sa kaisipan, at sa espiritwal, at ito ay nagsisimula sa ating pagpapasakop sa Araw ng Kapahingahang dinisenyo ng Diyos. Sa mga salita nga ni Pastor Timothy Keller: "Dapat nating isipin na ang Araw ng Kapahingahan ay isang akto ng pagtitiwala. Itinalaga ng Diyos ang Araw ng Kapahingahan upang ipaalala sa atin na Siya ay gumagawa at nagpapahinga. Ang pagsunod sa Araw ng Kapahingahan ay isang disiplinado at tapat na paraan upang maalala natin na hindi tayo ang nagpapaikot ng mundo, hindi tayo ang nagtutustos para sa ating pamilya, ni hindi tayo ang nagpapatuloy sa ating mga proyekto sa trabaho."


Bakit napakahalagang mapamahalaan natin nang mabuti ang kaigtingan sa pagitan ng pagtitiwala at pagsusumikap? Dahil sa pagtatapos ng araw, kapag umaasa tayo sa ating pagsusumikap ng hindi nagtitiwala sa Diyos, maaaring nag-didiyus-diyusan tayo o ninanakaw natin ang kaluwalhatian Niya, at ang alinman dito ay nagdadala ng kawalan ng kapahingahan. Huwag kang masiraan ng loob! Ang mga utos na itong mula sa Biblia ay hindi sumasalungat sa isa't-isa. Tinawag ka upang magtiwala sa Diyos  at magsumikap. At kapag niyayakap natin ang kaigtingang ito, maaari tayong magpahinga dahil alam nating nasa tamang pakikipagtulungan tayo sa Tumawag sa atin.


Kung nagugustuhan mo ang babasahing gabay na ito, magugustuhan mo rin ang aking lingguhang debosyonal, na makakatulong upang maiugnay ang Mabuting Balita sa iyong trabaho.  Magsign-in dito ng walang bayad


Araw 3

Tungkol sa Gabay na ito

Trust, Hustle, And Rest

Iniuutos sa atin ng Biblia na magtrabaho tayo nang maigi, pero sinasabi rin nito na ang Diyos—hindi tayo—ang nagbibigay ng resulta sa ating ginagawa. Ang apat na araw na planong ito ay magpapakita na ang isang propesyona...

More

Nais naming pasalamatan si Jordan Raynor sa pagbabahagi ng gabay na ito. Para sa karagdagang kaalaman, bisitahin ang: http://www.jordanraynor.com/trust/

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya