Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Tungkol sa Gabay

Ang Buod Ng Mahal Na Araw Sa Pitong SalitaHalimbawa

Ang Buod Ng Mahal Na Araw Sa Pitong Salita

ARAW 7 NG 7




Ikapitong Araw: Pagbabalik

Sumagot si Jesus, “Kung gusto ko Siyang mabuhay hanggang sa pagbalik Ko, ano naman sa iyo? Sumunod ka lang sa Akin.” (Juan 21:22)

Basahin: Juan 21:1-23

Sa ibang bansa, madalas nilang gamitin ang salitang advent tuwing panahon ng Pasko. Bagama’t hindi natin ginagamit ang salitang ito sa Pilipinas, mainam ding maunawaan natin ang lalim nito.

Nanggaling sa salitang Latin ang advent, na nangangahulugang “pagdating.” Kaugnay nito, tuwing Pasko, pinagdiriwang ng mga sumasampalataya kay Jesus ang tatlong katotohanan: (1) Ang makasaysayang pagdating ni Jesus dito sa mundo, (2) ang posibilidad ng Kanyang pagdating sa ating mga buhay sa kasalukuyan, at (3) ang pangako ng Kanyang muling pagdating na mangyayari sa hinaharap.

Tinatawag rin natin ang ikatlong katotohanang ito ng muling pagdating ni Jesus bilang Kanyang pagbabalik. Inilarawan ni Apostol Juan sa kanyang sulat ang ikatlong beses na pagpapakita ni Jesus sa Kanyang mga disipulo matapos ang Kanyang muling pagkabuhay (tingnan ang Juan 21). Nakamamangha at maaari ring sabihing nakaaaliw ang kuwento. Nagsimula ito sa napakaraming nahuling isda. Sinundan ito ng paghahanda ng agahan ni Jesus. At panghuli, kinausap ni Jesus si Apostol Pedro tungkol sa kanyang mga nakalipas na pagkabigo at mga kahaharaping pagsubok. Nang subukan ni Pedro na ibahin ang kanilang usapan, pahapyaw na binanggit ni Jesus ang patungkol sa Kanyang pagbabalik.

Hindi ito ang unang beses na binanggit ni Jesus ang patungkol sa Kanyang pagbabalik. Natalakay na Niya ito sa Kanyang huling linggo dito sa lupa: isang beses habang kausap Niya ang mga disipulo sa Bundok ng Olibo (Mateo 24-25) at muli, habang nagtitipon sila sa isang kuwarto (Juan 14:3). Makalipas ang ilang linggo, matapos bumalik sa langit si Jesus, sinabihan ng dalawang anghel ang mga naiwang disipulo: “Kayong mga taga-Galilea, bakit nakatayo pa kayo rito at nakatingala sa langit? Si Jesus na inyong nakita na dinala paitaas ay babalik dito sa mundo. At kung paano Siya pumaitaas, ganyan din ang Kanyang pagbalik” (Mga Gawa 1:11). Maraming mga pagdedebate at pagtatalo patungkol sa muling pagbabalik ni Jesus. Iba’t-iba ang interpretasyon ng mga iskolar, mamamahayag ng Salita, at maging mga pangkaraniwang mananampalataya patungkol dito. Idagdag pa sa kalituhan ang mga terminolohiya gaya ng tribulation, rapture, millennium, at eschatology. Alin nga ba ang mauuna—ang rapture o ang millennium? At kailan magaganap ang mga ito?

Naniniwala ang ilan, batay sa mga kaganapan sa mundo, na nasa mga huling araw na tayo. Para sa kanila, nalalapit na ang pagbabalik ni Jesus, maaaring nga na sa mga susunod na taon ito. Sagot naman ng iba, mahigit dalawang libong taon na ang lumipas mula nang sabihin ni Jesus na “Malapit na akong dumating” (Pahayag 3:11) o ng mga disipulo na “nalalapit na ang pagbabalik ng Panginoon” (Santiago 5:8).

Magkakaiba man ang interpretasyon natin sa mga detalyeng ito, naniniwala tayong lahat na babalik si Jesus. Darating Siyang muli.

Hindi natin alam ang eksaktong araw at oras ng pagbabalik ni Jesus. Kaya, hinihikayat tayo ng Salita ng Dios na maging handa at mapagbantay (Mateo 24:42-51; 25:1-30; Marcos 13:24-37; 1 Tesalonica 5:1-11; 1 Juan 2:28).

Higit sa anumang palatandaan ng panahon at palatakdaan ng oras, mas mahalagang mayroon tayong pusong nagmamahal kay Jesus, naghahanda sa Kanyang pagbabalik, at nagnanais na mas makakilala pa Siya.

Banal na Kasulatan

Araw 6

Tungkol sa Gabay na ito

Ang Buod Ng Mahal Na Araw Sa Pitong Salita

Hango ito sa librong isinulat ni Len Woods na 101 Important Words about Jesus and the Remarkable Difference They Make. Pagbubulayan natin ang mga salitang ito: IPINAKO, KARATULA, DAMIT, KURTINA, HALAMANAN, NABUHAY AT ...

More

Nais naming pasalamatan ang Our Daily Bread Asia Pacific sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://filipino-odb.org/

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya