Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Tungkol sa Gabay

Ang Buod Ng Mahal Na Araw Sa Pitong SalitaHalimbawa

Ang Buod Ng Mahal Na Araw Sa Pitong Salita

ARAW 4 NG 7




Ikaapat Na Araw: Kurtina

Nang sandali ring iyon, nahati mula sa itaas hanggang sa ibaba ang kurtina sa loob ng templo. (Marcos 15:38)

Basahin: Marcos 15:33-38

Maraming oras noon ang iginugugol ng Panginoong Jesus sa loob ng templo sa Jerusalem. Doon Niya rin tinuturuan ang Kanyang mga alagad at maging ang mga pariseo. Sa templo, may dalawang lugar doon na hindi maaaring puntahan ng mga tao maliban sa mga pari. Ang isa sa lugar na iyon ang tinatawag na Dakong Banal. May mga hinirang na mga pari roon para panatilihing maayos at malinis ang gintong kandelero, ang sunugan ng insenso, at lagayan kung saan inihahandog ang tinapay para sa Dios.

Dakong Kabanal-banalan naman ang tawag sa ikawalang lugar na hindi puwedeng puntahan ng mga tao at maging ng ibang pari. Napakahigpit at lubhang mapanganib ang pumunta sa lugar na iyon. Ito ang isa sa mga lugar noon kung saan sinabi ng Dios sa Kanyang mga lingkod, “Doon Ako makikipagkita sa inyo.” (Exodus 30:6).

Dahil ipinakita ng Dios ang Kanyang kaluwalhatian sa lugar na iyon, nanatili itong nakatago sa likod ng isang malaking tabing o KURTINA.

Ang salitang Griyego na isinalin sa tagalog na KURTINA ay nangangahulugan na “inilalatag nang pababa”. Sumasang-ayon naman ang mga dalubhasa sa kasaysayan na makapal at malaking kurtina ang nakaharang sa Dakong Kabanal-banalan. Dalawa hanggang tatlong pulgada ang kapal nito, tatlumpung talampakan ang lapad, at animnapung talampakan naman ang taas. Hinabi ito sa pamamagitan ng iba’t ibang kulay ng sinulid at pinalamutian ng mga kerubin (2 Cronica 3:14).

Nakikita naman ng mga paring naglilingkod sa Dakong Banal ang makapal na kurtina. Pero, hindi sila nangangahas na pumasok doon. Tanging ang Punong pari ng mga Israelita ang pinahihintulutan na pumasok sa Dakong Kabanal-Banalan at minsan lang ito sa isang taon. Nag-aalay din muna ang Punong pari ng dugo para sa kapatawaran ng kanyang kasalanan bago siya pumasok. Kamatayan kasi ang naghihintay sa lahat ng papasok doon na hindi malinis sa kanyang kasalanan (Exodus 30:10; Hebreo 9:7).

Nagsisilbi namang paalala ang kurtina na iyon sa malaking problema ng makasalanang tao na nagtatangkang lumapit sa banal na Dios. Ipinapahayag din ng kurtinang iyon ang kaluwalhatian at kabanalan ng Dios. Hindi makakapasok ang presensya ng kasalanan sa Dakong Kabanal-banalan at nagsisilbing babala ang kurtina na hindi makakalapit sa presensya ng Dios ang sinumang makasalanan.

Matapos namang malagutan ng hininga ang Panginoong Jesus sa krus, napunit at nahati sa dalawa ang makapal na kurtina. Idinagdag pa nina Mateo at Marcos na mga lingkod ni Jesus sa kanilang ebanghelyo na napunit ito mula itaas hanggang sa ibaba. Ipinapahiwatig nito na mula sa itaas ang pinagmulan ng pagkakahati nito.

Ganito naman inilarawan ng sumulat sa mga Hebreo ang pangyayaring nahati ang makapal na kurtina sa templo. “Kaya mga kapatid, malaya na tayong makakapasok sa Dakong Kabanal-banalan dahil sa dugo ni Jesus. Sa pamamagitan ng paghahandog ng Kanyang katawan, binuksan Niya para sa atin ang bagong daan patungo sa Dakong Kabanal-banalan na nasa kabila ng tabing. At ang daang ito ang nagdadala sa atin sa buhay na walang hanggan” (Hebreo 10:19-20).

Maaaring nagulat o labis na namangha ang unang nakabasa ng sulat na iyon para sa mga Hebreo. Sa pamamagitan kasi ng kamatayan ni Jesus sa krus ay nagkaroon ng daan para makalapit ang sinuman sa Dios. Tulad kung paano napunit ang katawan ng Panginoong Jesus dahil sa mga latay ng sugat, napunit din ang makapal na kurtina. At sa kusang-loob na pag-aalay ni Jesus ng Kanyang buhay at tiisin ang lahat ng paghihirap sa krus, binuksan Niya ang daan para makakalapit sa Dios ang lahat ng magtitiwala kay Jesus.

Marahil iniiwasan mo ang Dios dahil sa mga nagawa mong maling desisyon sa buhay. Iniiwasan mo Siya dahil sa iyong malaking kasalanang nagawa. At para bang isang makapal na kurtina ang iyong mga pagkakasala at kahihiyan na humaharang sa pagitan mo at ng Dios Ama sa langit. Hindi galit ang Dios sa iyo, kundi galit Siya sa kasalanan. Kaya naman, dahil sa kagandahang-loob ng Dios, inako ni Jesus ang kaparusahan sa kasalanan. Malaya na tayong makakalapit sa Dios para humingi ng kapatawaran at magsisisi sa kasanalan. Bukas na ang daan at iniimbitahan tayo ng Dios na lumapit sa Kanya.

Sa pamamagitan ng pag-aalay ni Jesus ng Kanyang buhay sa krus, malaya na ang lahat na lumapit sa Dios.

Bukas na ang daan at iniimbitahan tayo ng Dios na lumapit sa Kanya.

Huwag ka nawang magtiwala sa iyong emosyon o nararamdam dahil sa mga nagawang kasalanan. Magtiwala ka sa Panginoong Jesus at sa Kanyang ginawang pagliligtas sa iyo. Ang kasaysayan ng napunit na kurtina sa templo ay kapahayagan ng Dios na maaari tayong lumapit sa Kanya. Anumang araw at sa anumang oras!

Banal na Kasulatan

Araw 3Araw 5

Tungkol sa Gabay na ito

Ang Buod Ng Mahal Na Araw Sa Pitong Salita

Hango ito sa librong isinulat ni Len Woods na 101 Important Words about Jesus and the Remarkable Difference They Make. Pagbubulayan natin ang mga salitang ito: IPINAKO, KARATULA, DAMIT, KURTINA, HALAMANAN, NABUHAY AT ...

More

Nais naming pasalamatan ang Our Daily Bread Asia Pacific sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://filipino-odb.org/

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya