Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Tungkol sa Gabay

Miracles | Ipakilala SiyaHalimbawa

Miracles | Ipakilala Siya

ARAW 5 NG 7




Mga Gawa 8:26–31; 34–39

May isang anghel ng Panginoon na nagsabi kay Felipe, “Pumunta ka agad sa timog, at sundan mo ang daan na mula sa Jerusalem papuntang Gaza.”(Ang daang iyon ay bihira na lang daanan.) Kaya umalis si Felipe, at doon ay nakita niya ang taong taga-Etiopia. Pauwi na ito galing sa Jerusalem kung saan siya sumamba sa Diyos. Mataas ang kanyang tungkulin dahil siya ang pinagkakatiwalaan ng kayamanan ng Candace. (Ang Candace ay reyna ng Etiopia.) Nakasakay siya sa kanyang karwahe at nagbabasa ng aklat ni Propeta Isaias. Sinabi ng Banal na Espiritu kay Felipe, “Puntahan mo at makisabay ka sa kanyang karwahe.” 30Kaya tumakbo si Felipe at inabutan niya ang karwahe. Narinig niyang nagbabasa ang opisyal ng aklat ni Propeta Isaias. Tinanong siya ni Felipe kung nauunawaan niya ang kanyang binabasa. Sumagot ang opisyal, “Hindi nga eh! Paano ko mauunawaan kung wala namang magpapaliwanag sa akin?” Inanyayahan niya si Felipe na sumakay sa kanyang karwahe at tumabi sa kanya.
Sinabe ng opisyal kay Felipe, “Sabihin mo sa akin kung sino ang tinutukoy ng propeta, ang sarili ba niya o ibang tao?” Kaya simula sa bahaging iyon ng Kasulatan, ipinaliwanag sa kanya ni Felipe ang Magandang Balita tungkol kay Jesus. Habang nagpapatuloy sila sa paglalakbay, nakarating sila sa lugar na may tubig. Sinabi ng opisyal kay Felipe, “May tubig dito. May dahilan pa ba para hindi ako mabautismuhan?” Sumagot si Felipe sa kanya, “Maaari ka nang bautismuhan kung sumasampalataya ka nang buong puso.” Sumagot ang opisyal, “Oo, sumasampalataya ako na si Jesu-Cristo ang Anak ng Diyos.” Pinahinto ng opisyal ang karwahe at lumusong silang dalawa sa tubig at binautismuhan siya ni Felipe. Pagkaahon nila sa tubig, bigla na lang kinuha si Felipe ng Espiritu ng Panginoon. Hindi na siya nakita ng opisyal, pero masaya siyang nagpatuloy sa kanyang paglalakbay.

Karagdagang Babasahin: Salmo 119:105; Kawikaan 3:5–6; Mga Gawa 9:10–19; Mga Gawa 16:6–10

Sa Mga Gawa 8, si Felipe ay ginamit ng Diyos upang gumawa ng himala at mangaral sa Samaria (vv. 4–25). Nagiging daan ang mga himala, mga kamangha-manghang bagay, at ang ebanghelyo upang magsisi ang mga tao, at malinaw na kumikilos ang Diyos sa mahahalaga’t makapangyarihang paraan. Matapos ang matagumpay na ministeryo, maaari nating maisip na gagabayan ng Diyos si Felipe patungo sa isang mas malaking siyudad o mas malaking grupo ng tao, pero hindi ito ang nangyari.

Ginabayan ng Diyos si Felipe sa isang landas na nakahiwalay sa iba at hindi masyadong dinadaanan ng ibang mga manlalakbay. Gaya ng natutunan natin sa ika-26 na talata, disyertong lugar ang Gaza.

Kakagaling lamang ni Felipe sa isang makapangyarihang tagpo sa Samaria at para sa kasunod na misyon, ipinadala siya sa isang hindi kilalang daan patungo sa isang disyertong lugar. Mukhang wala itong saysay, pero ang paggabay ng Diyos ay higit pa sa kayang maunawaan ng pangangatwiran ng tao. Nang magpasya si Felipe na sumunod sa Kanyang pamumuno, ginabayan siya ng Diyos sa isang daang higit pa sa anumang mapaplano niya para sa kanyang sarili.

Halos lahat ng tao ay gumagawa ng malalaki’t maliliit na desisyon araw-araw. Ano kaya ang mabubuong larawan kung tatanungin mo ang walang hanggang Diyos kung ano ang mga plano Niya sa iyong buhay? Saan ka kaya Niya ipadadala? Sino kaya ang makikilala mo, at ano kaya ang maipatutupad Niya sa pamamagitan mo?

Sa kwentong ito, ginabayan ng Diyos si Felipe palayo sa maraming tao upang maabot ang isa. Hindi lamang niya nakatagpo sa disyertong ito ang isang mataas na opisyal sa korte, binigyan din siya ng Diyos ng karunungan upang maipaliwanag ang Kasulatan. Ang Diyos—ang Alpha at Omega na nakakaalam ng lahat—ang gumagabay sa atin upang tayo ay maging epektibong saksi sa mga lugar kung saan Niya tayo dadalhin.

Ang opisyal ng korte na taga-Etiopia, isang taong may malawak na impluwensiya, ay naabot ng isang taong hindi inaasahan sa isang hindi rin inaasahang lugar. Sa katunayan, sinasabi sa kasaysayan na dinala niya ang pagkikitang ito sa kanyang pinanggalingan, at nagkaroon ng malaking epekto ang ebanghelyo sa kanyang siyudad at bansa. Ang plano ng Diyos para sa mga buhay natin ay higit pa sa anumang planong magagawa natin para sa ating sarili. Kung hahayaan natin Siyang pamunuan tayo, aakayin Niya tayo sa mga sitwasyong hindi natin inaasahan para isakatuparan ang mga layunin Niya dito sa lupa.

Sa pamamagitan ng himala ng paggabay, binibigyan tayo ng Diyos ng direksyon at mga salitang kakailanganin nating sabihin.

  • Balikan ang isang panahon sa buhay mo kung kailan ginabayan ka ng Diyos sa isang desisyon.
  • Ano ang isang bahagi ng iyong buhay o kasalukuyang sitwasyon na nangangailangan ng paggabay ng Diyos?

Hakbang ng Pananampalataya

Maglaan ng panahon sa pananalangin at tanungin ang Diyos kung mayroon Siyang itinuturong partikular na lugar kung saan mo maibabahagi ang ebanghelyo sa iba.

Panalangin

Ama sa langit, Ikaw ang Alpha at Omega, ang walang hanggang Diyos na Siyang nagplano ng kasaysayan bago pa man ito nagsimula at nakakaalam ng lahat ng araw ng buhay ko bago pa man ito mangyari. Gabayan Mo ako at bigyan ng lakas ng loob upang mamuhay ayon sa Iyong kagustuhan at tuparin Mo ang Iyong layunin para sa aking buhay. Tulungan Mo akong marinig ang boses Mo at sumunod sa Iyo. Salamat sa Iyong biyaya tuwing ako’y natitisod at sa Iyong salitang nagbibigay ng liwanag sa aking landas. Gabayan Mo ako habang ako’y nabubuhay at tulungan Mo akong mamuhay para sa Iyo. Sa pangalan ni Jesus, AMEN.

Araw 4Araw 6

Tungkol sa Gabay na ito

Miracles | Ipakilala Siya

Sa pagsisimula ng bawat taon, maglaan tayo ng oras para sa pananalangin at pag-aayuno upang magpakumbaba sa harapan ng Diyos, italaga ang ating sarili sa Kanya, at sama-samang sumang-ayon sa pambihirang tagumpay na ibini...

More

Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://www.everynation.org.ph/

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya