Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Tungkol sa Gabay

Miracles | Ipakilala SiyaHalimbawa

Miracles | Ipakilala Siya

ARAW 3 NG 7




Mga Gawa 3:1–10

Isang araw, bandang alas tres ng hapon, pumunta si Pedro at si Juan sa templo. Oras noon ng pananalangin. Sa pintuan ng templo na tinatawag na “Maganda” ay may isang taong lumpo mula nang ipinanganak. Araw-araw siyang dinadala roon para humingi ng limos sa mga taong pumapasok sa templo. Nang makita niya sina Pedro at Juan na papasok sa templo, humingi siya ng limos. Tinitigan siya nina Pedro at Juan. Pagkatapos, sinabi ni Pedro sa kanya, “Tumingin ka sa amin.” Tumingin ang lalaki sa kanila na naghihintay na malimusan. Pero sinabi ni Pedro sa kanya, “Wala akong pera. Ngunit may ibibigay ako sa iyo: Sa pangalan ni Jesu-Cristo na taga-Nazaret, lumakad ka!” At hinawakan ni Pedro ang kanang kamay nito at pinatayo siya. Biglang lumakas ang kanyang mga paa at bukong-bukong. Tumayo siya agad at lumakad-lakad. Pagkatapos, sumama siya kina Pedro at Juan sa templo. Palakad-lakad at patalon-talon siyang nagpupuri sa Diyos. Nakita ng lahat na lumalakad siya at nagpupuri sa Diyos. Napansin nila na siya pala ang taong palaging nakaupo at humihingi ng limos doon sa pintuan ng templo na tinatawag na “Maganda.” Kaya lubos ang kanilang pagkamangha sa nangyari sa kanya.

Karagdagang Babasahin: Lucas 5:17–26; Santiago 5:14–15; Jeremias 17:14

Kapag nababasa natin ang mga talatang tulad nito sa Kasulatan, madaling maunawaan ang kalagayan ng mga disipulo, pero paano nagbabago ang kwento kung babasahin na natin ito sa pananaw ng pulubi?

Ilang taon siyang binubuhat ng ibang tao papunta sa pintuan ng templo upang manlimos. Dahil hindi siya makapagtrabaho, ito lamang ang paraan niya para mabuhay. Noong panahong iyon, pinagbabawalan ng batas ang sinumang “marumi” na pumasok sa templo. Hindi na siya lumalagpas sa pintuan.

Isipin mo na lamang kung ano ang magiging pananaw mo sa Diyos kung ito ang iyong realidad. Totoo bang may Diyos? Nakikita ba Niya ako? May pakialam ba Siya sa akin? Mababago ba Niya ang kalagayan ko kung gugustuhin Niya? Para sa lumpong lalaki, pare-pareho lang ang mga araw na lumilipas. Pero dahil sa isang pagtatagpo, nagbago ang lahat.

“Tingnan mo kami,” narinig niya sina Pedro at Juan na kinakausap siya. Malamang ay naisip niyang magbibigay sila ng limos, pero ang hindi niya alam, higit pa rito ang matatanggap niya. Sinabi ni Pedro sa kanya, “Wala akong pera. Ngunit may ibibigay ako sa iyo: Sa pangalan ni Jesu-Cristo na taga-Nazaret, lumakad ka!” (Mga Gawa 3:6)

Sa pamamagitan ng interbensyon ng Diyos, gumaling siya! Pero higit pa sa pagpapagaling ng katawan ang ginawa ng sandaling ito ng himala.

Ang pisikal na paggaling niya ang nagbigay sa kanya ng kakayahang tumalon at magpuri at makapasok sa loob ng templo na hindi niya napupuntahan dati. Higit pa rito, nakita niya at ng iba pa na hindi lamang makapangyarihan ang Diyos, kundi mabuti rin Siya. Hindi Niya nalilimutan ang Kanyang mga anak. Pumasok Siya sa ating realidad upang dalhin ang langit sa lupa.

Ang mga nakakakilala sa pulubi at nakasaksi ng himala ay namangha at nagtaka, at umpisa pa lamang ito. Ang tagpong ito ang nagbukas ng pinto para makapangaral si Pedro sa mas marami pang tao, at sa pamamagitan ng ministeryong ito, ayon sa Mga Gawa 4:4 higit pa sa 5,000 na tao ang naniwala.

Gaya ng nakikita natin sa kwentong ito, ang bunga ng himala ay ang paghahayag ng Diyos ng Kanyang sarili upang makilala ng buong mundo kung sino Siya.

  • Balikan ang isang pagkakataon sa buhay mo kung kailan naranasan mo o ng kakilala mo ang mahimalang pagpapagaling mula sa Diyos.
  • Ano ang mga pumipigil sa iyo na ipanalangin ang pisikal na paggaling ng ibang tao?

Hakbang ng Pananampalataya

Isulat ang pangalan ng mga taong kilala mo na nangangailangan ng pisikal na paggaling at ipanalangin sila. Kung sinasabihan ka ng Diyos na gawin ito, tawagan mo sila at ipanalangin.

Panalangin

Panginoon, naniniwala akong Ikaw ang Tagapagpagaling ko. Mabuti Ka at kaya Mong pagalingin ang aking karamdaman, sakit, hinanakit, at sugat. Buksan Mo ang aking mga mata upang makita ko ang mga tao sa paligid na nangangailangan sa Iyo. Pagkalooban Mo ako ng pananampalataya upang buong tapang kong maipanalangin ang paggaling nila. Dalangin kong maparangalan Ka at makita ng buong mundo ang Iyong kabutihan at kapangyarihan. Sa pangalan ni Jesus, AMEN.

Banal na Kasulatan

Araw 2Araw 4

Tungkol sa Gabay na ito

Miracles | Ipakilala Siya

Sa pagsisimula ng bawat taon, maglaan tayo ng oras para sa pananalangin at pag-aayuno upang magpakumbaba sa harapan ng Diyos, italaga ang ating sarili sa Kanya, at sama-samang sumang-ayon sa pambihirang tagumpay na ibini...

More

Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://www.everynation.org.ph/

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya