Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Tungkol sa Gabay

Awesome God: Prayer & Fasting (Filipino)Halimbawa

Awesome God: Prayer & Fasting (Filipino)

ARAW 4 NG 7

 

Kung ikaw ay isang magulang, malamang ay nasabihan mo na ang iyong anak na umiwas sa kalan o sa apoy. Kung ang iyong anak ay mausisa, malamang ay itinanong niya kung bakit. Sinubukan mong ipaliwanag, subalit hindi niya maintindihan ang iyong mga paliwanag. Sa huli, sinabi mo na lamang na “Basta! Dahil sinabi ko.”

Sinundan sa aklat ni Job ang kuwento ng isang matuwid na lalaki na nagtangkang unawain ang mga matindi at tila walang saysay niyang mga pagdurusa. Sa wakas, sa ika-38 kabanata, nagpakita ang Diyos at nangusap kay Job. Subalit wala Siyang sinabi na maaaring magbigay ng ginhawa o kaya ay kasagutan sa mga katanungan ni Job na gaya ng inaasahan natin. Nang sabihin ng Diyos na, “Nasaan ka noong nilikha ko ang pundasyon ng daigdig?” alam ni Job na ang kanyang natanggap ay katumbas ng “Basta! Dahil sinabi ko,” ng isang magulang.

Nagpakumbaba si Job at kinilala niya ang kapangyarihan ng Diyos. Ipinahayag niya na kaya ng Diyos na gawin ang lahat ng bagay at walang makapipigil sa pagtupad Niya ng Kanyang mga layunin. Naintindihan niya na ang Panginoon ang makapangyarihang Hari ng lahat ng nilikha. Sinabi niya sa Job 42:2–3: “Alam ko pong magagawa nʼyo ang lahat ng bagay, at walang sinumang makapipigil sa inyo. Ako poʼy tinanong nʼyo kung bakit ako nag-aalinlangan sa inyong karunungan, gayong wala naman akong nalalaman. Totoo pong nagsalita ako ng mga bagay na hindi ko naiintindihan at mga bagay na hindi ko lubos na maunawaan." Sa kapangyarihan ng Diyos, ang mga pagsubok na hinarap ni Job ay naglalayong salain ang kanyang pananampalataya at makapagtatag ng katiyagaan sa kanyang pag-uugali. Ang Diyos ay nanatiling maawain, mahabagin, at namamahala sa lahat ng nangyayari sa kabuuan ng paghihirap ni Job. Matapos ang patuloy na paghingi ng ginhawa at kasagutan sa loob ng apatnapu't dalawang kabanata, nahanap ni Job ang tunay na pinagmumulan ng ginhawa—hindi ang pagkakaroon ng kasagutan sa kanyang mga katanungan, kundi ang pagsisisi sa kanyang pagaalinlangan at ang pananalig sa Panginoon.

Ang pagtitiwala sa kapangyarihan ng Diyos ay mas madaling sabihin kaysa gawin, lalo na kung tayo ay nakararanas ng mga pagsubok at pasakit. Paano natin magagawang magtiwala na ang plano ng Diyos ay para sa ating kabutihan sa gitna ng mahihirap na sitwasyon? Magagawa nating umasa kay Jesus, ang walang sala na nagdusa, na pinahirapan at namatay upang tayong lahat ay mailigtas. Sa gitna ng labis-labis na pasakit at kalungkutan, kahit pa tila walang saysay ang mga ginagawa ng Diyos, maaari tayong tumingin sa krus at magkaroon ng kaginhawahan dahil itinakda ng ating makapangyarihang Diyos na ipadala ang Kanyang anak upang mamatay para sa ating kaligtasan.

DAHIL SA ANG DIYOS AY MAKAPANGYARIHAN, MAY GINHAWA SA ORAS NG KAGULUHAN.

Pag-isipan

1. Anong pagsubok ang kasalukuyan mong kinakaharap? Paano makatutulong ang pagtitiwala sa Diyos upang magkaroon ka ng kaginhawahan?

2. Paano nakapagbibigay ang krus ng katiyakan na ang laging ninanais ng Diyos para sa iyo ay ang iyong kabutihan?

Manalangin

Ama, Ikaw ang pinakamakapangyarihan sa lahat ng bagay sa buong kalawakan. Ang Iyong kaharian ay walang hangganan at walang limitasyon. Walang kaaway na makakasira ng Iyong mga plano. Sa Iyong kapangyarihan, ipinadala mo ang Iyong Anak para mamatay sa krus upang magkaroon ako ng kaginhawahan at makilala ko ang Iyong kadakilaan. Aking Diyos, turuan Mo po akong magpakumbaba sa Iyong harapan. Isinasantabi ko ang kagustuhang masunod sa aking buhay at hinihiling ko na bigyan Mo po ako ng Iyong kapayapaan. Sa pangalan ni Jesus, amen.

Banal na Kasulatan

Araw 3Araw 5

Tungkol sa Gabay na ito

Awesome God: Prayer & Fasting (Filipino)

Bawat taon, nagsasama-sama tayo para sa limang araw ng pananalangin, pag-aayuno, at paglalaan ng ating sarili upang marinig ang Diyos at ang Kanyang direksyon para sa atin. Ngayong taon, titingnan nating mabuti ang kadak...

More

Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa karagdagang impormasyon bisitahin ang: http://victory.org.ph

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya