Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Tungkol sa Gabay

Awesome God: Prayer & Fasting (Filipino)Halimbawa

Awesome God: Prayer & Fasting (Filipino)

ARAW 2 NG 7




Ang Table Mountain sa Cape Town, South Africa, ay isa sa mga pinakakilalang bundok sa buong mundo. Kahit na maganda ang Table Mountain kung titingnan mula sa ibaba, ang tanawin mula sa itaas nito ay maka-pigil hininga—ang Lion’s Head, Camp’s Bay, at Twelve Apostles. Ang tumayo sa tuktok ng bundok upang makita ang mga nasa ibaba at ang mundo sa paligid nito ay hindi maitutulad sa kung anuman. Sa kabila nito, darating pa rin ang oras na kailangang iwan ang tuktok ng bundok upang maglakbay pababa tungo sa katotohanan.


Mabuti na lamang at hindi ito ang katotohanan ng ating kahanga-hangang Diyos. Bilang ating Manlilikha, ang Diyos ay nangingibabaw sa lahat. Nangangahulugan ito na Siya ay naiiba sa anumang bagay na nilikha, at hindi nasasakop ng mga batas ng kalikasan. Nananahan Siya sa mataas at banal na lugar, at walang sinuman o anuman sa mundo na katulad Niya. Siya ang nasusunod at may kapangyarihan sa lahat ng nilikha, at sa Kanya, ang mga bagay na imposible ay nagiging posible.


Sa Exodus 15, si Moises at ang mga mamamayan ng Israel ay nagbigay ng awit ng papuri sa Panginoon matapos ang mahimalang paghati sa Dagat na Pula na nagpalaya sa kanila mula sa mga kamay ng Faraon. Matapos makita ang nangingibabaw na kapangyarihan ng Diyos, sila ay umawit, “O Panginoon, sino po ba ang Diyos na katulad nʼyo? Wala kayong katulad sa kabanalan at kapangyarihan. Kayo lang po ang Diyos na gumagawa ng mga kamangha-manghang bagay!” Sa pagkatalo ng mga taga-Ehipto, ipinakita rin Niya na Siya ang mas makapangyarihan kaysa sa mga diyos-diyosan ng Ehipto. Walang anumang balakid o oposisyon ang mas hihigit pa sa ating kahanga-hangang Diyos!


Sa pagsisimula natin ngayong linggo ng pananalangin at pag-aayuno, haharapin mo ang mga balakid at oposisyon mo sa pananampalataya. Maaaring ipinapanalangin mo ang kaligtasan ng isang mahal sa buhay, kagalingan para sa iyo o sa isang mahal mo sa buhay, o kaya ay kaunlarang pinansyal. Maaaring ikaw ay humaharap sa mga paghihirap, tukso, at pagsubok sa iyong pananampalataya. Ikaw ay kumakapit sa Diyos at humihingi ng isang himala. Manalig ka. Dahil ang Diyos ay nakahihigit sa Kanyang mga nilikha, magagawa niyang paghiwalayin ang dagat, magpaulan ng manna mula sa langit, at magpaagos ng tubig mula sa bato. Sa pamamagitan Niya magagawa nating umasa na ang mga himala ay maaaring maganap, at sa katunayan ay nagaganap na nga. 


DAHIL ANG DIYOS ANG KATAAS-TAASAN SA LAHAT, POSIBLE ANG MGA HIMALA.

Pag-isipan


1. Ikaw ba ay kasalukuyang humaharap sa mga balakid at oposisyon sa iyong pananampalataya? Anu-ano ang mga ito?


2. Madali ba o mahirap para sa iyo ang maniwala na kaya ng Diyos na gumawa ng mga himala sa iyong buhay? Paano mapalalakas ang iyong pananampalataya ng kaisipan na Siya ay higit na nangingibabaw sa lahat?


Manalangin


Ama sa langit, Ikaw ay dakila sa kalangitan, ngunit Ikaw rin ay malapit sa Iyong mga anak. Nananalig ako sa katotohanan na Ikaw ay higit na nangingibabaw sa lahat at makapangyarihan. Sa pamamagitan Mo, maaaring mangyari ang anumang bagay. Nakita ng mga Israelita ang Iyong kapangyarihan nang hatiin Mo ang Dagat na Pula, at hinihiling ko na Ikaw ay kumilos sa gitna ng mga kinakaharap kong paghihirap sa kasalukuyan. Ikaw lamang ang kahanga-hanga sa lahat ng Iyong mga dakilang nilikha, at nagpapasalamat ako na naririnig Mo ang aking mga panalangin. Sa pangalan ni Jesus, amen.

Banal na Kasulatan

Araw 1Araw 3

Tungkol sa Gabay na ito

Awesome God: Prayer & Fasting (Filipino)

Bawat taon, nagsasama-sama tayo para sa limang araw ng pananalangin, pag-aayuno, at paglalaan ng ating sarili upang marinig ang Diyos at ang Kanyang direksyon para sa atin. Ngayong taon, titingnan nating mabuti ang kadak...

More

Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa karagdagang impormasyon bisitahin ang: http://victory.org.ph

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya