Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mateo 19:16-26

Mateo 19:16-26 RTPV05

May isa namang lalaking lumapit kay Jesus at nagtanong, “Guro, ano pong kabutihan ang dapat kong gawin upang makamtan ko ang buhay na walang hanggan?” Sumagot si Jesus, “Bakit mo ako tinatanong kung ano ang mabuti? Iisa lang ang mabuti. Ngunit kung nais mong magkamit ng buhay na walang hanggan, sundin mo ang mga Kautusan ng Diyos.” “Alin sa mga iyon?” tanong niya. Sumagot si Jesus, “Huwag kang papatay; huwag kang mangangalunya; huwag kang magnanakaw; huwag kang sasaksi nang walang katotohanan; igalang mo ang iyong ama at ina; at ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.” Sinabi ng binata, “Tinutupad ko na po ang lahat ng iyan. Ano pa po ang dapat kong gawin?” Sumagot si Jesus, “Kung ibig mong maging ganap, ipagbili mo ang lahat ng iyong ari-arian at ipamahagi sa mga mahihirap ang pinagbilhan. At magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod ka sa akin.” Pagkarinig nito, malungkot na umalis ang binata sapagkat siya'y napakayaman. Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Tandaan ninyo: napakahirap sa isang mayaman ang makapasok sa kaharian ng langit! Inuulit ko, mas madali pang makadaan sa butas ng karayom ang isang kamelyo, kaysa makapasok sa kaharian ng Diyos ang isang mayaman.” Nagtaka ang mga alagad nang marinig ito kaya't naitanong nila, “Kung gayon, sino po ang maliligtas?” Tiningnan sila ni Jesus at sinabi, “Hindi ito magagawa ng tao, ngunit magagawa ng Diyos ang lahat ng bagay.”

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya