Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Deuteronomio 8

8
Ang Masaganang Lupain
1“Sundin ninyong mabuti ang mga batas na ito na ibinigay ko sa inyo ngayon upang humaba ang inyong buhay, dumami ang inyong lahi, at kayo'y makarating sa lupaing ipinangako ni Yahweh sa inyong mga ninuno. 2Alalahanin ninyo kung paano niya kayo pinatnubayan sa ilang sa loob ng apatnapung taon upang matuto kayong magpakumbabá. Sinubok niya kayo kung susundin ninyo siya. 3Tinuruan#Mt. 4:4; Lu. 4:4. nga kayong magpakumbabá; ginutom niya kayo bago binigyan ng manna, isang pagkaing hindi ninyo kilala ni ng inyong mga ninuno. Ginawa niya ito upang ipaunawa sa inyo na ang tao'y hindi lamang sa tinapay nabubuhay kundi sa bawat salitang nagmumula sa bibig ni Yahweh. 4Sa loob ng apatnapung taon, hindi nasira ang inyong kasuotan ni hindi namaga ang inyong mga paa sa kalalakad. 5Itanim#Kar. 11:9-10. ninyo sa inyong isipan na kayo'y dinidisiplina ni Yahweh na inyong Diyos gaya ng pagdidisiplina ng isang ama sa kanyang anak. 6Kaya, matakot kayo sa kanya at sundin ang kanyang mga utos, 7sapagkat kayo'y dadalhin niya sa isang mainam na lupain, lupaing sagana sa tubig, maraming batis at bukal na umaagos sa mga burol at mga kapatagan. 8Sagana rin doon sa trigo, sebada, ubas, igos, bunga ng punong granada, olibo at pulot. 9Doon ay hindi kayo magkukulang ng pagkain o anumang pangangailangan. Ang mga bato roon ay makukunan ng bakal at makukunan ng mga tanso ang mga burol. 10Mabubusog kayo roon at pupurihin ninyo si Yahweh na inyong Diyos dahil sa masaganang lupaing ibinigay niya sa inyo.
Babala Laban sa Pagtalikod kay Yahweh
11“Huwag#Hos. 13:5-6. ninyong kalilimutan si Yahweh na inyong Diyos. Sundin ninyo ang kanyang mga utos at mga tuntunin. 12Kung kayo'y namumuhay na nang sagana, nakatira na sa magagandang bahay, 13at marami nang alagang hayop, at marami nang naipong pilak at ginto, 14huwag kayong magmamalaki. Huwag ninyong kalilimutan si Yahweh na nagpalaya sa inyo mula sa pagkaalipin sa bansang Egipto. 15Siya ang pumatnubay sa inyo sa inyong paglalakbay sa malawak at nakakatakot na ilang na puno ng makamandag na mga ahas at alakdan. Nang wala kayong mainom, nagpabukal siya ng tubig mula sa isang malaking bato. 16Kayo'y pinakain niya roon ng manna, isang pagkaing hindi ninyo kilala. Pinaranas niya kayo ng hirap para kayo'y subukin, at turuang magpakumbabá; ang lahat ng iyo'y sa ikabubuti rin ninyo. 17Kaya, huwag na huwag ninyong iisipin na ang kayamanan ninyo'y bunga ng sariling lakas at kakayahan. 18Subalit alalahanin ninyong si Yahweh na inyong Diyos ang nagbibigay sa inyo ng lakas upang yumaman kayo. Ginagawa niya ito bilang pagtupad niya sa kanyang pangako sa inyong mga ninuno. 19Kapag siya'y tinalikuran ninyo at sumamba kayo sa diyus-diyosan, ngayon pa'y binabalaan ko na kayo na malilipol kayo. 20Kung hindi ninyo papakinggan ang kanyang tinig, malilipol kayo tulad ng nangyari sa mga bansang ipinalipol sa inyo ni Yahweh.

Kasalukuyang Napili:

Deuteronomio 8: RTPV05

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya