Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Tungkol sa Gabay

Binagong Pamumuhay: PaglalaanHalimbawa

Living Changed: Provision

ARAW 1 NG 5

Subukan ang Diyos Dito



Isang Debosyonal Kasama si Leah



Sa lupon ng mga Cristiano, madalas na inilalarawan ng mga tao ang Diyos bilang ating Tagapaglaan. Hindi naman ibig sabihin nito na ang Diyos ay isang genie na nasa bote na handang ibigay sa atin ang anumang hilingin natin. Subalit, naniniwala akong nangangahulugan itong ibinibigay Niya ang ninanais ng ating puso kapag ang mga pagnanais na iyon ay nakaayon sa Kanyang kalooban. 



Sa kabuuan ng Biblia, makikita natin ang katunayan ng pagiging mapagbigay ng Diyos. Sa simula, ibinigay ng Diyos si Eva kay Adan upang hindi siya mag-isa. Binigyan Niya si Ana ng isang anak noong manalangin siya upang magdalang-tao sa loob ng ilang taon. Syempre, ibinigay ng Diyos ang pinakadakilang regalo nang ipinadala Niya ang Kanyang Anak na si Jesus upang tayo'y magkaroon ng buhay na walang hanggan kasama Siya. 



Ang Diyos ay nagbibigay pa rin sa atin ng mga regalo sa kasalukuyan. Binibigyan Niya tayo ng kapayapaan, kalakasan, kaginhawaan, at karunungan. Tapat Siya sa pagkalinga sa bawat pangangailangan natin. Kapalit nito, hinihingi Niyang hanapin natin Siya, gumugol ng oras kasama Siya, at magtiwala sa Kanya. Hinihingi Niyang isuko natin ang pamamahala at ialay sa Kanya ang ating buong buhay. Nais Niya maging una sa bawat bahagi ng ating buhay, maging sa ating pananalapi.



Ang lahat ng mabubuting bagay na mayroon tayo ay mula sa Diyos. Sa totoo lang, ang lahat ay sa Kanya. Kapag ibinibigay Niya ang mga regalong ito sa atin, inaasahan Niyang iingatan natin at magiging mabubuting katiwala tayo sa mga ibinigay Niya sa atin. Bahagi ng Kanyang inaasahan ay ang pagbibigay nating ng ikasampung bahagi sa pamamagitan ng pagbibigay ng unang 10% ng ating kinikita pabalik sa Kanya sa pamamagitan ng mga lokal na simbahan.



Ang pagbibigay ng ikasampung bahagi ay hindi tungkol sa kung anong gusto ng Diyos mula sa atin, kundi kung anong gusto Niya para sa atin. Kapag nabubuhay tayong ayon sa Kanyang kalooban sa pamamagitan ng pagbibigay ng ating ikasampung bahagi, tapat Siyang pagpapalain tayo. Maaaring tila hindi ito ang pagpapalang gusto natin, ngunit ang Diyos ay laging totoo sa Kanyang Salita. Inaanyayahan pa nga tayo ng Diyos na subukan Siya sa bagay na ito sa pamamagitan ni propeta Malakias, na sinasabing kapag tayo ay nagbibigay ng ating ikasampung bahagi, bubuksan Niya ang bintana ng Langit at ibubuhos ang masaganang pagpapala na higit pa sa alam nating gagawin dito!



Ilang taon na ang nakakalipas, ang aking pamilya ay nasa isang napakatinding pagkabangkarote. Wala na ang aming mga personal at pang-negosyong pananalapi, at may mga sanggol kaming kailangang pakainin. Naging maligamgam kami sa aming pananampalataya, ngunit ang aming matinding suliranin sa pananalapi ay nagdala sa amin sa lugar kung saan hindi na namin alam ang aming gagawin kundi ang magtiwala sa Diyos. Nang kumilos ang Diyos sa aming mga puso upang magbigay kami ng aming ikasampung bahagi sa gitna ng panahong ito, natakot kami. Isang bagay ang magbigay ng ikasampung bahagi kapag dumadaloy ang iyong pera, pero tila isang malaking hakbang ang magbigay ng ikasampung bahagi sa panahong kailangan namin ang bawat sentimo para lang kami mabuhay. 



Natatandaan ko pa ang aking pagsuko at paghiling sa Diyos na patunayan Niya ang Kanyang sarili. Wala na kaming pera para sa gas o sa pagkain para sa linggong iyon, pero nagbigay pa rin kami. Pagkatapos ay isang gabi na kami ay nasa simbahan, isang kakilala ang nagbigay ng tseke at sinabing lagi siyang nagbibigay sa sinumang nag-aampon ng isang aso (na kamakailan lang ay ginawa namin). Kamangha-mangha, sapat ito para makaraos kami sa linggong iyon. Ang kaloob niya sa amin ay hindi namin inaasahan, at pinatatag noon ang aming pananampalataya.



Hindi ko sinasabing kapag nagsimula kang magbigay ng ikasampung bahagi ay magpapadala sa iyo ng mga tseke ang Diyos mula sa mga taong hindi mo kakilala. Ang sinasabi ko ay kapag isinuko mo ang pamamahala ng iyong pananalapi at pinili mong unahin ang Diyos, padadaluyin Niya ang Kanyang biyaya sa iyo sa pamamaraang hindi mo malalaman.


Araw 2

Tungkol sa Gabay na ito

Living Changed: Provision

Naglilingkod tayo sa isang mapagbigay na Diyos na nangangakong magbibigay ng bawat pangangailangan natin. Bagama't hindi Niya ibinibigay ang mga kahilingan, gumagawa pa rin Siya ng mga himala. Nasisiyahan ang Diyos na bi...

More

Nais naming pasalamatan ang Changed Women's Ministries sa pagbabahagi ng gabay na ito. Para sa karagdagang kaalaman, maaaring bisitahin ang: https://www.changedokc.com

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya